Kamay na bakal vs pasaway
DILG sa LGUs: Mahigpit na health protocols ipatupad...
MANILA, Philippines — Upang mapigilan ang pagtaas ng COVID-19 sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa ay inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na magpatupad ng kamay na bakal sa mga pasaway sa pamamagitan ng mga bagong ordinansa at higpitan pa ang ipinatutupad na health protocols.
Ito ang sinabi ni DILG Officer-In-Charge at Undersecretary Bernardo Florece Jr., dahil pagod na pagod na ang mga tao at maging ang mga law enforcers sa mga umiiral na restriksiyon, lalo na ngayong malapit nang umabot ng isang taon ang pagpapairal nito.
Nagpalabas na ang DILG ng panibagong memorandum sa mga LGUs na nag-aatas sa kanila na tiyaking mayroon silang mga ordinansa at paghusayin ang pagpapatupad nito para masigurong mapipigilan ang pagkalat lalo ng virus.
Pinayuhan din ng DILG ang mga LGUs na gawing standardized ang mga penalties para sa mga paglabag sa mga naturang ordinansa.
Matatandaang kamakailan lamang ay nagpasya na ang pamahalaan na paluwagin o tuluyang alisin ang ilang health protocols at requirements bilang bahagi ng pagsusumikap nitong unti-unti nang maibangon ang nalugmok na ekonomiya ng bansa dahil sa COVID-19.
Samantala, iniulat ng OCTA Research Group na ang positivity rate sa NCR ay tumaas ng walong porsyento na mataas sa limang porsyentong inirekomenda ng World Health Organization.
Ang Pasay, Makati, Malabon at Navotas ay ikinonsiderang high-risk area.
Pasay ang may pinakamataas na daily attack rate na 30 kada 100,000 habang lagpas na sa 80 porsyento ang okupadong ospital at kama sa Makati.
Naitala naman sa Quezon City, Taguig, Malabon, Muntinlupa at Pateros ang mahigit 60 porsyento ang nagamit na kama sa mga ospital habang sa Las Piñas at Mandaluyong lagpas 70% ang ICU bed occupancy. Sa kabuuan, ang NCR hospital bed occupancy ay 44%, habang ang ICU utilization ay 53%. - Danilo Garcia
- Latest