MANILA, Philippines — Magsusuot na ng body camera ang mga pulis na natalaga sa drug enforcement unit sa Metro Manila sa darating na Miyerkules.
Ito naman ang binigyan diin ni Maj. Gen. Angelito Casimiro, director ng Philippine National Police (PNP) Directorate for Logistics at oobligahin na ang mga pulis na nakatalaga sa drug enforcement unit sa National Capital Region Police Office na magsuot ng body camera sa kanilang mga police operations.
Nabatid na sumailalim sa dalawang araw na pagsasanay ang mga pulis sa pagsusuot at paggamit ng body camera gayundin ang pagda-download ng mga videos.
Bagama’t hindi tinukoy kung ilang pulis ang pagsusuotin ng body camera, sinabi ni Casimiro na aabot sa 2,686 body cameras na nagkakahalaga ng P288.82 milyon ang ipamamahagi sa 269 police units sa buong bansa habang 44 unit naman sa Metro Manila.
Sunod namang sasanayin ang mga pulis ng drug enforcement units sa iba’t ibang lalawigan.