MANILA, Philippines — Hiniling ng pamunuan ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP) sa pamahalaan na payagan nang makapag-operate ulit ang mga provincial buses upang makatulong na mapasiglang muli ang ekonomiya at mapababa ang bilang ng mga taong walang trabaho sa bansa.
Ang panawagan ng provincial buses ay nang irekomenda ni Socio-economic Planning Secretary Karl Kendrick Chua sa Inter-Agency Task Force on COVID-19 (IATF) na palakasin na ang pagbubukas sa ekonomiya sa pamamagitan ng paglalagay sa bansa sa mas pinagaan na modified general community quarantine (MGCQ) para mapayagan na makapag-operate ang 75 percent ng transportation sector para serbisyuhan ang manggagawa sa pagpasok sa kani-kanilang trabaho.
Sa oras na maibalik muli ang operasyon ng mga provincial buses, mababawasan ang unemployment ratio na umabot na sa 133,000.
Magugunita na hindi pinayagan ang karamihan ng mga provincial buses na makabiyahe mula ng lockdown noong nakalipas na taon sa kabila na ilang miyembro ng samahan ay nagbabayad ng kanilang loan amortization.