Pinagmulan ng COVID-19 ‘di pa rin tukoy — WHO
MANILA, Philippines — Kahit tapos na ang imbestigasyon ng mga siyentista ng World Health Organization na nagtungo sa Wuhan, China ay bigo ang mga ito na matukoy ang uri ng hayop na sinasabing pinagmulan ng coronavirus disease (COVID-19).
“The reservois hosts remain to be identified,” ayon kay Liang Wannian, lider ng China team ng WHO.
Ito ay sa kabila ng mga ulat na nagmula ang virus sa paniki na ibinebenta sa mga pamilihan sa Wuhan at naisalin sa tao.
Lumalabas din sa kanilang pag-aaral na maaaring maibiyahe ng malayuan ang virus sa pamamagitan ng ‘cold chain products’ kaya posible na na-import mula sa China ang COVID-19.
Sa kabila naman na sinasabi na nag-umpisa ang virus noong 2019, wala naman umanong mga ebidensya na kumalat ang virus sa Wuhan bago sumapit ang Disyembre 2019.
Namalagi sa China ang mga eksperto ng isang buwan, dalawang linggo dito ay ginugol sa quarantine bago sumabak sa pananaliksik.
Iniulat din na nagtagal lamang ang mga eksperto ng isang oras sa palengke sa Wuhan na sinasabing pinag-ugatan ng virus.
Mas malaki ang panahon na ginugol umano ng mga mananaliksik sa Wuhan virology institute kausap ang mga siyentista nito. Una nang nagpalabas ng teorya si dating United States President Donald Trump na ini-leak sa naturang laboratoryo ang source ng pandemic.
Sinuportahan ito ni WHO expert Ben Embarek at patuloy ang pagsasaliksik kung paaano ito nakuha ng mga tao at iginiit din nitong ang umano’y lab-made virus ay “extremely unlikely.”
- Latest