MANILA, Philippines — Nananawagan ng suporta ang Commission on Population and Development (PopCom) sa publiko dahil sa pagtaas ng bilang ng mga menor-de-edad na nabubuntis.
Batay sa datos ng komisyon, ito na ang ika-siyam na taon na tumataas ang bilang ng teenage pregnancies mula noong 2011 kung saan isa sa bawat sampung pagbubuntis ay mga menor-de-edad na babae.
Ayon sa PopCom, lubhang napakabata na may edad 10-anyos hanggang 14-anyos o halos pitong adolescent mother ang nanganaganak kada araw o may tatlong beses na pagtaas mula noong taong 2000 na may 755 adolescent mother na may kaparehong edad ang nanganak na batang ina.
Sa tala ng PopCom, ang Calabarzon ang may pinakamataas na bilang ng mga nanganak na menor de edad na pumalo sa 8,008, sumunod ang National Capital Region na may bilang na 7,546, at ang Central Luzon ay nakapagtala naman ng 7,523.
Mataas din ang kaso ng teenage pregnancies sa Northern Mindanao na nakapagtala ng 4,747, sumunod ang Davao na may 4,551 at ang Central Visayas na may 4,541.
Sa pangkalahatan, pumalo sa 62,510 ang bilang ng mga menor de edad na nanganak noong 2019 kumpara sa 62,341 na naitala noong 2018.
Nanawagan naman si PopCom Executive Director Juan Antonio Perez III sa pamahalaan na unahing isulong ang teenage pregnancy reduction program para maprotektahan ang mga batang ina.