Freelance Workers bill, pasado na
MANILA, Philippines — Pasado na sa komite ng Kamara ang House Bill 1527 na naglalayong protektahan ang interes ng mga ‘work-from-home workers’ o ‘freelancers,’ kasama ang mga ‘content writers, artists’ at ‘wedding planners’ kung inaagrabiyado sila ng mga humirang sa kanila, gaya ng hindi pagbayad sa kanilang trabaho o serbisyo.
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, at may-akda ng HB 1527 na pinamagatang ‘An Act Protecting Freelance Workers in the Gig Economy Sector,’ kailangan ang naturang batas dahil sa ilalim ng Labor Code, hindi kasama ang ‘freelancing’ at walang pormal na balangkas para sa kanila na ang bilang ay umaabot na sa 1.5 milyon bago pa ang pandemya.
Sa ilalim ng HB 1527, labag sa batas ang hindi pagbayad sa mga ‘freelancers’ sa serbisyo nila sa loob ng 15 araw lampas sa isinasaad sa nilagdaan nilang kasunduan, o pagkatapos ng kanilang serbisyo kung walang pormal na kontrata. Maaari ring maghabla ang nadedehado o naaapi.
- Latest