MANILA, Philippines — Inihayag ni Bureau of Immigration (BI) intelligence chief Fortunato Manahan, Jr., na nangunguna ang mga Chinese nationals na mga dayuhan na lumalabag sa batas ng Pilipinas.
Nabatid na mayorya ng 510 illegal aliens na naaresto ng BI ay pawang Chinese nationals na kung saan ang 332 dito ay nadakip nitong nakalipas na 2020 dahil sa pagkakasangkot sa illegal online gaming at cybercrime activities.
Ayon naman kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ang 510 na illegal aliens na naaresto ay napakababa kumpara sa 2,000 banyagang nadakip noong 2019, kung saan nangunguna pa rin sa laki ng bilang ang Chinese nationals.
Paliwanag ni Morente, ang pagbagsak sa bilang ng mga naarestong illegal aliens ay dulot ng pagpapatupad ng community quarantine dahil sa pandemya.
Naging isyu ang pagdagsa ng mga Chinese national sa bansa kung kaya’t nagsagawa ng pagdinig ang mga mambabatas sa umano’y “pastillas” scheme, kung saan iniuugnay sa suhulan ang mga tauhan ng Immigration sa bansa.