Makati police chief, 3 pa sinibak sa Dacera case
MANILA, Philippines — Dahil sa mga umano’y kapalpakan sa paghawak sa kaso ng nasawing flight attendant na si Christine Dacera ay inaprubahan kahapon ni Philippine National Police chief General Debold Sinas, ang rekomendasyon ng Directorate for Investigation and Detection sa pagsibak sa puwesto nina Makati Police Chief PCol. Harold Depositar dahil sa command responsibility, Medico Legal Officer ng Southern Police District na si Police Major Michael Nick Sarmiento at dalawang imbestigador.
Ayon kay Sinas, ang pagsibak sa mga pulis ay bunsod ng umano’y “bungled” na imbestigasyon sa pagkamatay ni Dacera na nakitang walang buhay sa bathtub ng isang hotel sa Makati City.
Ipinauubaya na ni Sinas kay NCRPO Director PBGen. Vicente Danao kung kailan ipatutupad ang rekomendasyon na kanyang inaprubahan.
Inutos na rin ni Sinas ang paglilipat ng lahat ng dokumento at ebidensiya para hawakan ng ibang imbestigador.
Naniniwala naman si Sinas na hindi maaapektuhan ang preliminary investigation ng pagkakasibak sa mga ito.
Nais ni Sinas na malaman kung saan nagpabaya ang mga pulis sa paghawak ng kaso ni Dacera.
Matatandaang nagreklamo ang pamilya Dacera dahil hindi umano sila kuntento sa isinagawang imbestigasyon sa kaso lalo na at nauna pang na-embalsamo ang mga labi ni Christine bago isinalang sa autopsy.
Nauna nang hinuli ang tatlong nakasama ni Dacera sa party pero pinakawalan ito dahil sa kakulangan sa ebidensyang rape-slay case ang kaso. - Ludy Bermudo
- Latest