MANILA, Philippines — Umaabot sa P1.5 milyong halaga ng smuggled na gamot ang nakumpiska ng mga ahente ng Bureau of Customs (BOC) Intelligence and Investigation Service (IIS) na nakatalaga sa Manila International Container Port (MICP).
Isinagawa ng mga ahente ng BOC-CIIS ang anti-smuggling operations sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard (PCG) at National Bureau of Investigation (NBI) sa Pasay City noong Enero 14.
Armado ng Letter of Authority (LOA), ininspeksiyon ng mga otoridad ang Pasay storage facility, kung saan nadiskubre nila ang isang makeshift clinic na may mga illegal Chinese medicines.
Isa sa mga nakumpiskang medisina ay natukoy na ‘RIBAVIRIN’ na ginagamit na lunas sa pneumonia at bronchitis, kaya’t lumaki ang hinala ng mga otoridad na ginagamit ang klinika sa paggamot ng mga COVID-related cases.
Ang mga medisina na kinumpiska ay sumasailalim na ngayon sa inventory at investigation para sa paglabag sa Section 1113 ng Republic Act 10863 o mas kilala sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kasabay nang pagsasagawa na rin ng imbestigasyon upang matukoy ang mga taong responsible sa pag-operate ng makeshift clinic.
Nagbabala ang BOC laban sa paggamit ng medisina nang walang kaukulang clearance mula sa Department of Health at Food and Drug Administration at umapela sa publiko na tigilan ang pagpapagamot sa mga fly-by-night clinics na maaaring magdulot sa kanila ng higit pang problema sa kalusugan.