MANILA, Philippines — Sumakabilang buhay na kahapon ng umaga si dating 2nd District Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali matapos itong dapuan ng sakit na kanser na pinalala pa ng COVID-19.
Ito ang kinumpirma ng kapatid nitong si incumbent Oriental Mindoro Rep. Alfonso “Boy” Umali Jr. at ng anak ng dating solon na si Ian Mikhael Umali sa isang radio interview.
Si ex. Rep. Umali ay binawian ng buhay sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City dakong alas-8:00 ng umaga kahapon sa gulang na 63-anyos.
Sinabi ni Rep. Alfonso na ang kaniyang kapatid ay na-diagnose na may COVID-19 at stage 3 liver cancer noong Disyembre. Ang kanser ng solon sa loob lamang ng ilang araw ay lumala at naging stage 4.
Ang dating solon ay na-admit sa Intensive Care Unit (ICU) ng ospital noong Disyembre 21 at na-intubate na simula noong Disyembre 26; pawang ng nakalipas na taon.
Bago ito ay na-confine na rin ito sa nasabing pagamutan noong Disyembre 12 dahilan sa COVID-19 at nitong Miyerkules ay nakitaan ng bacteria ng mga doktor ang atay ni ex Rep. Reynaldo hanggang kahapon ng umaga ay tumaas ang blood pressure nito at dumanas ng cardiac arrest kung saan tuluyan na itong binawian ng buhay.