MANILA, Philippines — Bilang bahagi pa rin ng pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19 ay ipagbabawal din ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at Manila Police District (MPD) ang pagsasagawa ng prusisyon ng mga grupo ng deboto ng kanilang mga replica ng Itim na Nazareno.
Bukod kasi sa pangunahing prusisyon ng Itim na Nazareno, naging tradisyon na rin ng mga grupo ng deboto na magsagawa ng sarili nilang prusisyon ng kanilang mga replica sa iba’t ibang panig ng Maynila.
Magpapakalat naman ang MPD ng mga tauhan sa mga kalsada para mapigil ang mga deboto sa pagsasagawa ng kanilang sariling prusisyon at mahigpit na magpapatupad ng mga ‘safety protocols’.
Umpisa sa Biyernes (Enero 8), isasara ng Manila Police District Traffic Enforcement Unit ang ilang mga kalsada. Kabilang dito ang: southbound lane ng Quezon Blvd (Quiapo) mula A. Mendoza/Fugoso hanggang Carlos Palanca Street; northbound lane ng Quezon Blvd mula Carlos Palanca hanggang Fugoso; westbound lane ng España Boulevard mula P. Campa hanggang A Mendoza St.; kahabaan ng Evangelista St. hanggang P Paterno St. at Recto Ave.; at kahabaan ng Palanca St. mula Carriedo/Plaza Lacson hanggang P Casal Street.
Isasara rin ang kahabaan ng Ronquillo Street mula Rizal Avenue hanggang Plaza Sta. Cruz at kahabaan ng Bustos Street mla Plaza Sta. Cruz hanggang Rizal Avenue.
Magsasagawa ng ‘re-routing’ ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) katuwang ang MPD-TEU para sa mga behikulo.