MANILA, Philippines — Isang 23-anyos na flight attendant na dumalo sa New Years party sa isang hotel sa Makati City kasama ang mga kaibigan ang natagpuang patay.
Kinilala ang biktimang si Christine Angelica Dacera Y Faba, 23, flight attendant at residente ng Block 21, Lot 1, VS Home Subdivision, Barangay San Isidro, General Santos City, South Cotabato.
Batay sa ulat, alas-12:30 ng madaling araw noong Enero 1, 2021 sa loob ng isang unit sa isang hotel na matatagpuan sa Kalayaan Avenue, Brgy. Poblacion, Makati City.
Sa imbestigasyon, kasama ng biktima ang kapwa niya cabin crew at kaibigang bading na si Rommel Galida, Gregorio Angelo Rafael De Guzman at John Dela Serna na nag-check-in sa Room 2209 para ipagdiwang ang Bagong Taon at doon nag-inuman.
Nabatid na bukod sa magkakaibigan ay dumating din sa lugar ang “friend of friends” ng biktima kaya umabot sila sa hindi bababa sa sampu katao kaya nagdagdag pa ng isang kuwarto bukod sa inisyal na Room 2209.
Ayon kay Galida, alas-10:00 ng umaga nang matuklasan na nangingitim na ang labi ng biktima kaya tinawag sina De Guzman at Dela Serna na nagpasaklolo naman sa staff at dinala pa sa clinic ng hotel ang biktima para sa Cardio Pulmonary Resuscitation at nang wala na umanong pulso ay itinakbo sa Makati Medical Center.
Sa cursory examination sa bangkay ay nakitaan ito na may mga pasa sa hita at tuhod habang inaalam pa kung may posibleng ‘rape’ o ‘gang rape’ na naganap bagama’t hinihintay pa ang official results sa isinagawang medico legal ng Philippine National Police (PNP) at Toxicology results kung may presence ng alcohol o droga ang bangkay, dahil ang hawak pa lang na cause of death ay “aneurysm” na secondary lang umanong cause of death.
Sakaling may naganap na ‘foul play’, magiging person of interest ang siyam na indibidwal na kasama ng biktima sa naganap na party sa hotel.