50 bansa nag-umpisa na ng COVID-19 vaccination

Kauna-unahan ang China na nagsagawa ng pagpapabakuna sa kanilang mga mamamayan nitong summer ng 2020 pa sa kabila na wala pang bakuna ang pormal na nabibigyan ng otorisasyon na magamit.
AFP/Joel Saget

MANILA, Philippines — Nagumpisa na ng kanilang kam­panya para mabakunahan ng COVID-19 vaccine ang kanilang mga mamamayan bago pa man mag-umpisa ang bagong taong 2021 ng 50 bansa.

Kauna-unahan ang China na nagsagawa ng pagpapabakuna sa kanilang mga mamamayan nitong summer ng 2020 pa sa kabila na wala pang bakuna ang pormal na nabibigyan ng otorisasyon na magamit.

Aabot sa limang mil­yong Chinese na ang nabakunahan ng kanilang pamahalaan.

Nabigyan naman ng ‘conditional market approval’ ng China ang bakuna ng Sinopharm na umano’y may 70 porsyentong ‘efficacy rate’ laban sa COVID-19. Sumunod dito ang Russia nitong Disyembre 5 sa pamamagitan ng kanilang Sputnik V vaccine.

Nag-umpisa na rin nitong Disyembre 8 ang United Kingdom sa paggamit ng bakuna ng Pfizer-BioNTech at tinatayang aabot na sa isang milyong Briton ang nabakunahan.

Naaprubahan na rin ang kanilang sariling bakuna na dinebelop ng AstraZeneca at Oxford University at nakatakdang gamitin sa Enero 4.

Lumarga na rin ang vaccination program ng Estados Unidos, Canada, Switzerland, Serbia, Norway, Iceland, Germany, Israel, Turkey, Belarus, at iba pang bansa sa Europa gamit ang Pfizer-BioNTech vaccine.

Sa iba pang lugar sa Asya, nagsagawa na rin ng vaccination campaign ang United Arab Emirates, Saudi Arabia, Bahrain, Qatar, Kuwait, Oman, at Singapore.

Sa Latin America, ilan sa nauna sa pagpapabakuna ang Argentina, Mexico, Chile, at Costa Rica. Habang sa Africa ay ang Algeria.

Show comments