Paggamit ng paputok bawal sa Metro Manila
MANILA, Philippines —Nag-isyu ang Regional Peace and Order Council ng National Capital Region (NCR) ng isang resolution na nagbabawal sa paggamit ng mga paputok ngayong pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon.
“Ang Resolution No. 19-2020 or Resolution Recommending the Banning the Use of Firecrackers in the NCR, ito ang resolusyon na binaban ang pagpapaputok. Pinasa po ‘yan ito lang linggong ito,” ang naging pahayag sa Dobol B News TV kahapon ni Dr. Laila Celino, head ng Health Promotion and Media Relations Unit ng Department of Health – NCR.
Ang Regional Peace and Order Council ng NCR ay binubuo ng metro mayors at mga opisyal ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Sinabi ni Celino na ang ipinasang resolusyon ay base sa pagtaas ng firecracker-related incidents sa 2019 holiday season at sa banta na rin ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
“Tandaan din po kasi natin kapag magpapaputok sila, so lalabas sila. Kapag lumabas po ang mga tao sa kalsada, puwede pong magkaroon ng mga mass gathering,” paliwanag ni Celino.
Ang Metro Manila ay nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ay nagbabawal ng mass gathering kaya inaasahan na ipatutupad ang ban ng mga lokal na pamahalaan sa NCR sa pamamagitan ng mga ordinansa.
- Latest