Quarry ops na nagpabaha sa Rizal, Marikina bubusisiin

Ayon sa DENR, bumuo na sila apat na composite team sa pamamagitan ng kanilang regional office sa Calabarzon para imbestigahan ang nasabing quarry operations sa nasabing lugar.
File

‘Mapping drones’ ikinasa ng DENR

MANILA, Philippines — Ikinasa na ng Department of Environment and Natural Resource (DENR) ang malalimang pagbusisi sa quarry operations sa Rizal na sinasabing ugat ng matinding pagbaha sa lalawigan at sa Marikina City matapos ang pana­nalasa ng bagyong Ulysses noong nagdaang buwan.

Ayon sa DENR, bumuo na sila apat na composite team sa pamamagitan ng kanilang regional office sa Calabarzon para imbestigahan ang nasabing quarry operations sa nasabing lugar.

Nabatid na gagamit ang investigating teams ng aerial mapping drones upang tingnan ang quarry operations sa may Marikina River Basin na ine­rereklamo ng mga residente roon na ito ang ugat ng pagbaha noong may bagyong Ulysses.

Una nang nasuspinde ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa Region 4A ang may  11 quarry at crushing plant operators sa may  river basin na ang  tubig dito ay napupunta sa  Marikina River.

Ang bawat composite team ay mga tauhan mula sa DENR-Calabarzon, central at regional offices  ng  MGB, Environmental Management Bureau at  Biodiversity Management Bureau.

Ayon kay DENR Usec. for Enforcement, Mi­ning, and Muslim Affairs Jim Sampulna ng muling susuriin ng DENR ang operas­yon ng lahat ng  mi­ning companies sa lugar para matiyak ang mga minahan na nagdulot ng baha sa nagdaang kalamidad.

Samantala, pinatitigil din ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go ang mga “unsanctioned” o hindi pinapayagang quarrying activities na nakakasira sa kalikasan.

Ayon kay Go, sa sandaling mapatunayan ng DENR na ang mga quarrying ang sanhi ng malawakang pagbaha sa ilang bahagi ng Luzon ay dapat itong ipatigil.

Show comments