MANILA, Philippines — Nagsampa ng reklamo si Quezon 4th District Rep. Angelita Tan sa National Bureau of Investigation (NBI) sa hindi pa kilalang tao na nagpapalipad ng drone sa kanyang bahay at pagkatapos ay pinoposte sa social media.
Sa complaint affidavit ni Tan sa NBI-Lucena, Disyembre 1 nang iparating sa kanyang kaalaman ng kanyang mga kaibigan at supporters na may taong nag-o-operate ng isang website na https://sovereignph.com/ at iba pang mga account sa ibang online platform tulad ng Instagram at TikTok na nagpo-post ng malisyosong larawan at video ng kanilang bahay ng kanyang asawa na si Engr. Ronnel Tan na Regional Director ng DPWH Region 1.
Partikular na tinukoy ng kongresista ang pinost sa TikTok ng isang username na @sovereignpb ang isang maikling video clip na nagpapakita sa mukha ni Tan at kanyang asawa na may nakasulat na “corrupt officials”.
Giit ni Tan, malinaw na paglabag sa right to privacy at illegal na surveillance ang ginagawang pagpapalipad ng drone sa kanilang bahay at nagbibigay din ng mga alegasyon ng korapsyon sa kanilang mag-asawa ang mga naka post sa Tiktok at Instagram na naglalayong sirain ang kanilang pamilya.
Hiniling ni Tan sa NBI Lucena Director Dominador Villanueva III na imbestigahan kung sino ang mga taong nasa likod ng pagpapakalat sa social media ng umano’y mga malisyosong video clips.