Paggamit ng paputok sa 2021, maaaring ipagbawal
MANILA, Philippines — Maaaring tuluyan nang ipagbawal sa susunod na taon ang paggamit ng paputok sa Pilipinas tuwing holiday season.
Ito ang plano ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magpalabas ng dokumento sa kalagitnaan ng taong 2021 na nag-uutos sa pagbabawal ng paggamit ng paputok.
“Baka next December, ibawal ko na ang putok . . . for reasons of public safety . . . because it is really a dangerous thing,” ayon sa Pangulo.
Tinukoy ng Pangulo ang kanyang bayan sa Davao City bilang halimbawa kung saan ay sinabi nito na maaaring ipagdiwang ng ligtas ang holidays.
“Sa amin, maganda man New Year, Pasko. We celebrate it with the family may music, lahat na. Gaiety and all, Walang nasusugatan, walang namamatay,” ani Pangulong Duterte.
Sa ulat, napagkasunduan ng Metro Manila Council (MMC) na i-regulate ang fireworks display para sa pagsalubong sa 2021 bunsod ng patuloy na COVID-19 pandemic.
Ayon kay Parañaque Mayor Edwin Olivarez, na siyang chairman ng MMC, kailangang kumuha ng permit sa local government unit (LGU) kung gustong magsagawa ng fireworks display, kabilang ang mga nakatalaga nang community fireworks display.
Tanging mga may permit lang din mula sa LGU ang papayagang magbenta ng paputok, ani Olivarez.
Ayon kay Olivarez, kung dati’y puwedeng magtipon ang mga tao sa kung saan idaraos ang fireworks display, ngayo’y kailangan malayo na ito.
- Latest