Bayaning Pinoy sa Pandemya
MANILA, Philippines — Gaano man kahirap ang pagkakataon, tunay na naipakikita ng mga Pilipino ang pagiging bayani kahit na nasasadlak sa hirap maging ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Bukod sa mga Pilipinong nakaririwasa sa buhay na palagiang tumutulong sa panahon ng krisis, mas katangi-tangi ang mga maralita na sa kabila ng sariling problema ay nagagawang magsakripisyo para sa kapuwa. Atin silang kilalanin.
Lorrainne Pingol (nurse)
Batid natin ang hirap at sakripisyo ng mga nurses ngayon bilang frontliners sa laban sa COVID-19. Sa kabila nito, naipakita pa rin ng nurse buhat sa Makati City na si Lorrainne Pingol ang tunay na diwa ng pagiging bayani.
Papasok na sa trabaho si Pingol noong Agosto 18 at mali-late na nang hingan ng tulong ng isang opisyal ng barangay. Isang palaboy ang nakatakdang manganak sa kalsada. Hindi nagdalawang-isip si Pingol na tumulong; agad niyang inalalayan ang ina para manganak at nang mailuwal ang sanggol ay saka pinadala ang mag-ina sa pagamutan.
Matapos nito, agad na nag-trending sa social media ang larawan ni Pingol habang nagpapaanak. Umani ng papuri ang 29-anyos na nars lalo na at isa rin siyang leukemia survivor.
Dahil dito, umani ng kabi-kabilang parangal si Pingol. Ginawaran siya ng 'Bayaning Nars' award ng Philippine Nurses Association (PNA) habang binigyan rin siya ng scholarship grant at cash prize ng Philippine Commission on Women (PCW).
"Her heroic and extraordinary deed is truly an epitome of pride and inspiration to the nursing profession," ayon sa PNA.
Hush Aguelo (Humanitarian rider)
Sinong nagsabi na puro gala lang ang trip ng mga motorcycle riders. Pinatunayan ni Hush Aguelo ng Cebu ang pusong may malasakit sa mga nangangailangan.
Binuo ni Aguelo ang rider group na "Cebu Tabang Express" na layunin ay humanap ng mga volunteers na magbibigay ng libreng delivery sa mga taga-Cebu na hindi kayang lumabas o kaya ay walang pambayad sa delivery riders.
Sinerbisyuhan ng grupo nina Aguelo ang mga senior citizen sa pagbili ng kanilang gamot, mga minors, buntis, disabled at mga taong walang access sa internet at mga walang quarantine pass para makabili ng kanilang mga pangangailangan sa kasagsagan ng quarantine lockdowns.
PCpl Jonjon Nacino (Pulis)
Nang masita sa isang checkpoint ang 21-anyos na working student na si Joshua Basa noong Mayo dahil sa pagsingit sa pila ng inspeksyon ng mga motorsiklo sa Espana, Maynila, inakala niya na magagastusan siya sa tiket. Hindi inakala ni Basa na sa isang bayaning pulis siya matatapat nang sa halip na parusahan siya, binigyan pa siya ng pulis ng 100 US dollars.
Ito ay nang maawa si PCpl Nasino sa sitwasyon ni Basa na magde-deliber sana ng pagkain sa isang kustomer nang masita sa checkpoint. Breadwinner ng pamilya si Basa at nagsisikap na makapagtapos ng pag-aaral.
Matapos ang insidente, ipinost ni Basa ang magandang ginawa ni Nacino na naging viral agad sa social media. Dito naipakita na bagama't matindi ang mantsa sa pangalan ng mga pulis ay maaari pa ring maibalik ang tiwala ng publiko sa tamang gawain.
Bukod sa mga komendasyon, nakatanggap rin si Nasino ng P100,000 pabuya buhat sa isang hindi nagpakilalang donor na ginamit ng pulis sa panganganak ng kaniyang misis.
Henry Kelly Villarao (Rescuer)
Ngunit hindi lahat ng naging bayani sa pandemyang ito ay natamasa pa ang kasikatan. Ito ay makaraang pumanaw ang 34-anyos na si Fishery Regulatory Officer 1 Henry Kelly Villarao nang makuryente sa Tuguegarao City habang nagsasagwa ng rescue operations sa mga naipit sa baha dulot ng bagyong Ulysses kamakailan.
Iniikot nina Villarao ang buong siyudad at isa-isang inililigtas ang mga taong naipit sa kanilang bubungan sa kasagsagan ng pagbaha nang mapadaan sila sa isang lugar na may live wire. Nasawi si Villarao habang nabuhay ang kaniyang mga inililigtas.
Naiwan ni Villarao ang kaniyang asawa na si Melanie at kanilang sanggol na anak.
Sa panahon ng krisis, alalahanin natin ang mga bayaning hindi nagdadalawang-isip na ibigay ang oras, pawis at konting kusing para sa ikaluluwag ng iba. Alalahanin natin si Villarao sa pamamagitan ng pagtulong sa kaniyang naulila. Maaaring magpahatid ng tulong sa kaniyang pamilya sa banak account ni Melanie Villarao sa Landbank account: 3706-1223-96.
Para-paraan lang sa panahon ng pandemya
Malaki ang pag-asa ng mga Pilipino na magiging mariwasa ang pagpasok ng taong 2020. Ngunit dumating si COVID-19. Ang pag-asa ay napalitan ng agam-agam na naging krisis.
Sa kabila ng paghihirap dulot ng pandemya, muling ipinakita ng maraming Pilipino ang natatanging katangian ng pagiging matibay at maparaan upang malagpasan ang hamon sa buhay. Ilan sa kanila ay sina:
Evelyn Abenir ng Guadalupe, Cebu City (Tiangge vendor)
Isang simpleng ina lang si Evelyn na kuntento dati sa pagtanggap ng sahod ng mister na jeepney driver. Ngunit nawalan ng biyahe dahil sa lockdown, kaya napilitan ang ginang na dumiskarte para mabuhay kasama ang apat na anak. Nang una ay nabaon sa utang hanggang sa nakasama ang kanilang pamilya sa tumanggap ng Social Amelioration Program (SAP) na nagkakahalaga ng P12,000 sa dalawang beses na pagiging benepisaryo.
Sa halip na gamitin lahat ang pera sa gastusin, naglaan si Evelyn ng kalahati para magtayo ng kaniyang puwesto ng gulay, karne at isda na siya ngayong bumuhay sa kanilang pamilya sa loob ng mga maraming buwan.
Samad Maulana ng Culiat, Quezon City (Barbeque stand owner)
Sumikat naman si Samad nagn mag-viral sa social media ang kaniyang litrato na nagtitinda ng barbeque buhat sa perang nakuha niya sa ayuda ni Quezon City Mayor Joy Belmonte. Isang tricycle driver si Samad na nawalan ng hanapbuhay dahil rin sa lockdown.
Sa halip na gastusin lahat ang P2,000 nakuha sa lokal na pamahalaan, minabuti ni Samad na umpisahan ang negosyo sa barbecue dahil sa pagkain ang naging 'in-demand'. Suwerteng naging patok...kaya ang kaniyang P2,000 kumita ng P1,200 kada araw noong kasagsagan ng mahigpit na lockdown.
“Kapag binigyan ka ng Konti, Edi PARAMIHIN MO, hindi yung aangal ka na Kulang..WAG KANG TAMAD!!” isa sa naging komento ng netizen na pumupuri kay Maulana.
Allen Luzon at Angel Pinto (Millenial barter traders)
Hindi rin ligtas ang mga Millenials sa epekto ng pandemya. Ngunit sa halip na magmukmok sa loob ng kanilang bahay, mas pinili ng 15-anyos na si Angel Pinto at 19-anyos na si Allen Luzon na tumulong para makabili ng gamit sa online class-- kanilang raket ang pagba-barter.
Isang bookworm si Allen ng Baguio City at nakakolekta ng maraming sikat na nobela buhat sa mga ipon niya. Nang pumutok ang pandemya, nawalan ng trabaho ang kaniyang mga magulang. Dito naisipan ni Allen na i-barter ang kaniyang mga libro. Sa ngayon, nakaipon siya ng sapat na pera na ipinambili niya ng tablet.
Hindi naman kasingsuwerte si Angel ng Sampaloc, Maynila. Nagpapalit-palitan kasi silang limang magkakapatid sa isang cellphone para sa kanilang online class. Dito naisipan ng dalagita na i-barter ang kaniyang mahal na sapatos kapalit ng laptop computer. Ngunit dahil sa mas mahal ang laptop, bigo si Angel na magkaroon ng pinapangarap na computer.
Jojo Sicat (Dancing COVID patient)
Dahil sa laging 'on call' sa trabaho bilang isang mediaman, minalas na nadapuan ng COVID-19 ang reporter na si Jojo Sicat. Pero sa halip na magmukmok at kaawaan ang sarili habang nasa isolation center sa Paranaque City, mas pinili ni Jojo na maging positibo. Ang kaniyang stress reliever, ang pagsasayaw na kaniyang ina-upload sa isang sikat na social media application (Tiktok) na patok ngayon sa mga kabataan.
Pero minalas na nahawa rin ang kaniyang misis ng virus, dahil dito dinala rin sa isolation ang ginang. Tulad ni Jojo, ang pagsasayaw rin ang naging paraan para matanggal ang agam-agam. Ayon sa mag-asawa, labis na nakatulong ang social media sa kanilang kundisyon dahil sa positobong pananaw na dulot nito sa kanila.
Pinoy gumagawa ng mga adjustments para makabangon sa pandemya
Mula sa malayang paggalaw at pagkilos, ang pamumuhay ng mga Pinoy at halos lahat ng tao sa mundo ay biglang nagbago sa isang iglap dahil sa COVID-19 pandemic.
Marso 15 nitong taon nang ipatupad ng mga otoridad ang community quarantine restrictions para maiwasan ang patuloy na pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19 sa iba't ibang panig ng bansa.
Dahil sa nasabing restrictions ay maraming pagsubok ang kinaharap ng bansa, katulad ng kawalan ng trabaho ng maraming mang gagawa dahil sa pagsasara ng mga kumpanya, limitadong galaw ng tao para mapigilan ang pagkalat ng virus na naging dahilan para maapektuhan ang galaw ng ekonomiya.
Maging ang mga overseas Filipino workers (OFWs) ay pinabalik dito sa Pilipinas dahil sa pagsasara rin ng mga kumpanya sa ibang bansa. Lahat halos ng uri ng tao, mayaman o mahirap at maging ang mga sikat at kilalang tao ay naapektuhan ng pandemya, marami ang natakot at nagalala sa sitwasyon lalo na at walang nakakaalam kung kailan matatapos ito at papaano muling magbabalik sa normal ang pamumuhay.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority nitong Oktubre, mayroong 3.8 milyon Filipino ang nawalan trabaho kung saan ang National Capital Region ang may pinakamataas na unemployment rate.
Dahil sa matinding epekto ng pandemya, nagpasa ang Kongreso ng dalawang Bayanihan laws upang magbigay ng tulong o ayuda sa mga mahihirap,subalit hindi naman ito sapat para matugunan ang ilang mga pangangailangan ng mga tao na nawalan ng trabaho kaya naging madiskarte ang mga Pinoy para makabangon sa epekto pandemya.
Tulad na lamang ng nangyari sa pamilya ni Darlene Grace Lamagna, 23 taong gulang ng Caloocan City na nawalan ng trabaho dahil sa lockdown matapos na ipasara ng gobyerno ang kanilang establisyemento para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Si Lamagna ay isang restaurant supervisor sa isang resort sa El Nido, Palawan na kaagad gumawa ng paraan para siya ay kumita.
Pinasok ni Lamagna ang pagtitinda ng mga prutas para ma sustentuhan ang araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya.
Bagamat, nahaharap sa pagsubok ay naging buo pa rin ang pananampalataya sa Diyos at naging masipag ang pamilya ni Lamagna sa paggawa ng paraan para magkaroon ng pagkakitaan sa gitna ng pandemya.
Bukod sa prutas,araw-araw ay nagtitinda ng mga lutong ulam sa harap ng kanilang bahay ang pamilya Lamagna at nagpapa order din sila ng kakanin o mga meryenda.
Ayon kay Lamagna, sa pamamagitan nito at sa tulong ng Diyos ay nakabangon ang kanilang pamilya mula sa epekto ng pandemic, habang ang kanyang ama naman ay nakasakay na rin sa barko.
Samantala, online selling naman ang naging solusyon ni Fatima Sotto, 29 anyos, nang mawalan siya ng trabaho simula noong Marso ng magbawas ng empleyado ang food chain na kanyang pinapasukan.
Habang wala pa ring kasiguruhan kung makakabalik siya sa kanyang trabaho, pinasok ni Sotto ang pagtitinda online upang magkaroon ng pagkakakitaan.Kabilang sa kanyang mga paninda ay kakanin, meryenda, at candies.
Bukod dito, nag-loading business din si Sotto at ang kanyang asawa na wala rin permanenteng trabaho para makabangon sa epekto ng pandemya.
Si Lamagna at Sotto ay ilang lamang sa mag papatunay na kahit anong hirap pa ang harapin ng mga Filipino dahil sa pandemya ay kayang kaya itong lagpasan dahil sa madiskarteng katangian ng mga Filipino.
Online business umarangkada ngayong pandemic
Nagulantang ang buong mundo sa deklarasyon ng World Health Organization (WHO) na pandemic na ang Corona Virus Disease 19 kaya naman maging ang Pilipinas ay naglabas ng mga regulasyon upang labanan ang ‘invisible’ na sakit dulot ng virus.
Sa pamamagitan ng online selling nakita ng marami na maaari pa rin silang makakain ng kanilang gusto at makabili ng kanilang kailangan.
Bagama’t uso na ang online selling, hindi naman ito masyadong patok hanggang sa lumabas ang balita na maghihigpit ang pamahalaan sa mga sa kilos, pakikipagbonding, at pamimili at nagkakaroon na ng restrictions.
May negatibong mang epekto sa nakararami ang pagdedeklara ng lockdown ng Pangulong Duterte, ito naman ang naging daan sa mga online sellers na pumatok at ‘humataw’ ng husto.
Parang kabuteng nagsulputan ang iba’t ibang online selling ngayon pandemic dahil sa takot na mahawan ng virus. Halos lahat ng kinokonsumo at ginagamit ng bawat tao ay binibili sa pamamagitan ng online selling. Nandyan ang pagkain, damit, gamot at maging halaman.
Kahit naka-quarantine ang marami sa atin, may mga negosyante pa ring tuloy ang paghahanap-buhay kahit nasa bahay lang. Sa online selling walang binabayarang puwesto. Maaari itong gawin sa loob ng bahay. Wala ring empleyado na dapat na bayaran. Ika nga sariling diskarte ito.
Marami ring ang nagka ideya na magbukas ng negosyong online selling bilang alternatibo paraan ng pagkakakitaan dahil sa ilang negosyante ang nagsara at nagbawas ng empleyado.
Isa sa mga tinangkilik online ay ang milktea, fries at burger.Ang milktea, fries at burger ang hinahuhumalingan ng mga millenials.
Ang pagsulpot ng online selling ay bahagi ng pagbabago at pag-unlad dulot ng makabagong teknolohiya. Hindi na mawawala ang online selling saan man panig ng bansa lalo pa’t nanganganak ang mga online seller na tinatawag na resellers.
Mas marami pa ang tatangkilik at lalakas pa ang online selling kahit na magbalik normal na ang sitwasyon dahil convenient ito sa mga consumers. Babayaran lamang nila ang kanilang order pagdating sa harap ng kanilang bahay. - Gemma Garcia, Doris Franche
- Latest