Edukasyon napagtagumpayan ang COVID pandemic
MANILA, Philippines — Sa kabila ng kinakaharap nating suliranin sa pandemic na Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay maituturing pa rin ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na napagtagumpayan nito ang pagbibigay ng mahusay at dekalidad na edukasyon sa mga kabataan sa bansa.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, bagamat marami ang tutol sa muling pagbubukas ng klase para sa School Year 2020-2021 ay hindi sila nagpatinag sa kagawaran.
Sa halip ay hinarap ng buong husay, tapang at dedikasyon sa pagtuturo ng mga guro sa kani-kanilang mga estudyante sa pamamagitan ng online class, distance at blended leaning.
Sinabi ni Sec.Briones na maraming hamon at pagsubok ang hinarap nila sa DepEd ngayong school year lalo na ang mga guro na hirap na hirap sa pagbibigay ng module sa kani-kanilang mga estudyante sa kabila ng maselan at delikadong sitwasyon.
Anang kalihim, kung hindi sila nagpursige at humanap ng ibang pamamaraan ng pagtuturo ay maaaring nakatengga ngayon ang 24 milyong mag-aaral na nakikiisa sa distance at blended learning systems ng DepEd.
Nanindigan si Sec. Briones na hindi nila hahayaang masira ang edukasyon at kinabukasan ng mga kabataan dahil sa banta ng COVID-19.
Iginiit rin niya na hindi nila pababayaan ang mga estudyanteng sumasailalim sa iba’t ibang learning modalities sa gitna ng pandemya na dulot ng COVID-19.
“We claim victory over the destroyer, COVID-19,” pahayag ni Sec. Briones.
Inihalimbawa pa ni Briones ang mga pasakit at sakripisyong ginawa ng mga magigiting nating bayani para mapagtagumpayan ang kanilang mga laban para sa kabutihan ng ating bansa.
Pahayag pa ni Sec. Briones, maging inspirasyon nawa ng mga kabataan ang mga pinagdaanan na hirap at pasakit ng ating mga bayani para ipagpatuloy pa rin ang kanilang pag-aaral kahit may humaharang na banta sa kanilang kinabukasan.
Naniniwala ang kalihim sa iniwang salita ng ating bayaning si Gat. Jose Rizal na "Ang mga kabataan ay siyang pag-asa ng ating bayan", kaya marapat lamang na patuloy silang gabayan at turuan.
Sa panig naman ni Diosa Cunanan, isang guro sa pampublikong paaralan sa Mexico, Pampanga, sinabi nito na maraming hamon ang kanyang hinarap sa pagtuturo ngayong may pandemic tulad ng distribusyin at retrieval ng mga modules sa barangay San Pablo, Sta Ana.
Aniya, siya mismo at mga kasamang guro sa nasabing paaralan ang personal na naglilibot at inaabot sa mga magulang ang mga modules na dapat pag- aralan ng isang estudyante na dati ay ang mga mag-aaral ang siyang pupuntahan sa loob ng klasrum para turuan.
Sinabi ni Cunanan na sa pagpunta nila sa bahay ng mga estudyante ay sarili nila ang gastos, tulad ng pasamahe o gasolina sa distribusyon at retrieval ng mga modules.
Maging ang personal na pag-abot sa mga katanungan ng mga mag-aaral kapag may mga hindi sila maintindihan sa aralin, lalo na kung mahina ang ang internet connection, ay isa ring matinding hamon para kay Mrs. Cunanan.
Kapag nauubusan din ng mga bond paper at ink sa school para sa mga modules ay kailangan nilang maghanap ng mga sponsors para mag- donate ng mga ito o pambili ng mga kailangan para sa weekly modules.
Ani Mrs. Cunanan, napapagtagumpayan nila ang lahat ng mga pagsubok at hamon sa New Normal Education dahil sa tatlong katagang ito, " Lingap, Lugud at Malasakit" sa mga mag-aaral para sa magandang kinabukasan nila pagdating ng araw at makapagpalitaw ng mga magagaling at matatapat na mga lider ng ating bayan.
"Para sa mga batang mag-aaral para sa Bayan, lahat ay kakayanin ang hamon sa pagtuturo ngayong New Normal", sabi pa ni Mrs. Cunanan.
Para naman kay Alen Perez, guro sa public school sa Pasig City, dumaan din siya sa matinding pagsubok pero hindi ito naging hadlang sa kanyang matinding determinasyon sa pagtuturo kaya napagtagumpayan ang layunin na turuan para mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga kabataan.
"Sipag at tiyaga talaga sa pagtuturo sa gitna ang iba't-ibang balakid kaya napagtagumpayan ang aming misyon na magbigay at maghatid ng dekalidad na ipag at tiyaga talaga sa pagtuturo sa gitna ang iba't-ibang balakid kaya napagtagumpayan ang aming misyon na magbigay at maghatid ng dekalidad na edukasyon" sabi ni Mrs. Perez.
Bicol region bumabangon sa bagyong Rolly
Mahirap man ang nararanasan ng Bicol Region sa pananalasa ng super bagyong Rolly noong Nobyembre 1 na nag-iwan ng 21 patay at danyos na hindi bababa sa 12.7 bilyong piso sa agrikultura,imprastruktura, nasirang classroom at elektrisidad habang libo-libong pamilya ang nawalan ng bahay ay unti-unti na itong bumabangon.
Sa tala ng Office of Civil Defense na pinangungunahan ni Claudio Yucot,13 ang namatay mula sa Albay habang tatlo ang nawawala.Karamihan sa nasawi ay nalunod at tinabunan ng rumagasang lahar mula sa bulkang Mayon, anim ang namatay sa Catanduanes at dalawa sa Camarines Sur.Maliban pa ito sa 394 bilang ng mga nasugatan sa kasagsagan ng malakas na bagyo.
Bukod dito ay tinatayang nasa 292,728 bilang ng mga bahay na nawasak kung saan 54,514 dito ay maituturing na totally damaged.Marami sa nawasak na bahay ay mula sa mga bayan sa lalawigan ng Catanduanes,Camarines Sur at Camarines Norte habang hindi bababa naman sa bilang na 180 bahay ang bahay na natabunan ng lahar at naglalakihang bato sa palibot ng bulkang Mayon sa Albay.
Dahil kay 'Rolly' bumagsak ang ekonomiya ng Kabikolan at mas naging laganap ang kahirapan lalo na sa panig ng mga apektadong magsasaka matapos na sirain ng bagyo ang mga pananim na palay,mais at mga root crops mula sa higit 63-libong ektarya agricultural land na nagkakahalaga ng 3.66 bilyong pisong danyos.Marami ang sinirang kalsada,tulay,dike,drainage,schoolbuildings at iba pang imprastruktura na umabot ng 8.92 bilyong piso.
Matapos ang pananalasa ay malawak pa ang mga lugar sa Bicol na walang kuryente makaraang pabagsakin ang mga poste, kable, transformer at iba pang ekipahe.
Pinaka-napinsala ang kuryente sa lalawigan ng Catanduanes na wala pa sa 20 porsyento umano ang napapa-ilawan.
Ayon sa ulat ng Albay Power and Energy Corporation (APEC) halus nasa 60 percent ng lalawigan pa lang ang may kuryente.Tanging ang Legazpi City ang may 100 percent ang na-energized.Nangako ang APEC na bago matapos ang taong ito ay mapapailawan ang buong Albay habang posibleng abutin pa hanggang sa unang mga buwan ng susunod na taon bago mabigyan ng kuryente ang malaking bahagi ng Catanduanes.Unti unti na ring nakakabalik ang elektrisidad sa maraming lu ugar sa Camarines Sur at Camarines Norte.
Apektado din ang pag-aaral ng mga bata dahil nawasak ang mga silid-aralan ng iba't ibang paaralan at sa post-disaster-needs assessment ng Department of Education (DepEd) 5 sa pangunguna ni regional director Gilbert Sadsad at mga engineers mula sa central office umabot sa bilang na 2,599 na classroom ang totally damage na kailangang mapalitan habang 5,781 silid aralan ang kailangan ng major repair at 6,078 classrooms ang kailangan ng minor repair.Sa inisyal na ulat ng OCD ay nasa 4.3 bilyong piso ang halaga ng danyos sa mga paaralan sa buong rehiyon.
Sa kabila na marami pang lugar ang walang kuryente at mahinang koneksyon sa internet ay nagsimula na muli ang pagbubukas ng klase.Sa Albay, nito lamang nakalipas na biyernes ay nag-anunsyo si Gob.Al Francis Bichara sa pagbubukas ng klase pero nakadepende pa rin umano sa lokal na pamahalaan ng mga lunsod at bayan kung idedeklarang may pasok na.Karamihan naman ay nagdeklara ng pasok pero ginagamit ang modular learning habang karamihan ay wala pang kuryente at may mahinang internet acces.
Walang patid naman ang dumarating na tulong hindi lang mula sa gobyerno kundi pati na rin sa mga pribadong grupo at indibidwal.Mismong ang pangulong Rodrigo Duterte at ilang kalihim ay dalawang beses bumisita sa Bicol lalo na sa Guinobatan,Albay at sa Naga City,Camarines Sur.Hindi naman nagpabaya si Vice President Lenie Robredo at ilang lugar ang nilibot at namigay ng ayuda sa kanyang mga kababayan.Ang DSWD,DOLE,OWWA at Department of Agriculture ay naglaan din ng tulong at mga programa para maka-agapay.
Sa ginawang pag-aaral ng mga geologists at eksperto mula sa Philippine Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) tinatayang hindi bababa sa 65 milyong tonelada ng volcanic materials na ibinuga ng Mt.Mayon ang patuloy na nagiging peligro sa mga residente sa palibot nito kaya inirekomenda nila sa mga lokal na pamahalaan na magkaroon na ng permanenteng relokasyon para sa kanila.
Sakripisyo ng mga health workers sa panahon ng pandemya
SINUMPAANG tungkulin na mag-alaga at magpagaling ng mga maysakit.
Ito ang nagtali sa ating mga health professionals saanmang sulok ng Pilipinas na nagseserbisyo ng may takot, pangamba, pag-aalala, habang pinipilit na magampanan ang trabaho ng higit pa sa oras na mandato dahil sa kakulangan ng bilang sa kanilang hanay sa panahong ito ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Walang pinipili ang COVID-19 virus kaya’t nais man ng mga doktor, nars at iba pang health workers na iiwas ang sarili na tamaan ng sakit, sila lang ang mistulang nasa ‘entablado’ na maaring gumanap, at humarap sa mga pasyenteng taglay ang nakamamatay at nakahahawang virus na ito.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang sakripisyo ng ating mga medical workers na nagsimula pa noong Marso 2020 , nang tuluyang kumalat ang virus sa iba’t-ibang panig ng bansa na nagmula sa pinakaunang kaso noong Enero na isang Chinese national na naconfine sa San Lazaro Hospital, sa Maynila at binawian ng buhay hanggang sa magsulputan na rin ang mga nahawaan.
Katulad natin, ang mga health care personnel ay takot na takot din na tamaan ng COVID-19, na katunayan ay marami na sa kanilang hanay ang nasawi sa nasabing virus dahil sa pagtugon sa kanilang tungkulin.
Ilan pa sa medical workers ay kabilang din sa senior citizen na may underlying conditions tulad ng hypertension, diabetes na mas delikadong tamaan ng virus.
Dagdag pa dito ang maraming napaulat sa kakulangan ng personal protective equipment (PPE) kaya gumagawa ng sariling paraan na protektahan ang sarili ng improvised equipment , masks at shield at walang patid na panalangin sa Panginoon.
Bunga ng kakulangan ng nurse sa mga ospital, karamihan ay sobra-sobra sa oras ang duty kaya sa sobrang pagod ay nagkakasakit. May mga minalas na kinapitan ng COVID-19 na tuluyan nang iginupo o nasawi.
Sa loob ng ospital, nararanasan nila ang tiisin ang init sa suot na n PPE , face masks at face shields na halos hindi na magawang umihi dahil sa hirap na pagtanggal at muling pagsusuot ng PPE.
Bukod pa ito sa nararanasang kaba at pangamba na mahawaan at damdaming halos maiyak sila sa awa sa mga pasyenteng nahihirapang huminga at naghahanap ng kalinga ng kaanak subalit ipinagbabawal.
Sa paglabas ng ospital, dala pa rin ang pangamba na mabitbit nila ang virus at mailipat sa mga mahal sa buhay sa pag-uwi ng bahay kaya may ilan din ang piniling humiwalay ng silid at hindi na lumapit o yumakap kahit sa kanilang mga anak na paslit.
Naroon din ang problema na sila ay pandirihan ng mga taong nakakasalubong, palayasin itaboy ng kanilang landlord at mga kapitbahay.
May mga hotel naman na nagbigay ng libreng accomodation sa health workers ngunit ang sakripisyo sa pananabik sa mahal sa buhay ay pilit na nilabanan.
Sa kabila ng dedikasyon sa trabaho, matinding diskriminasyon ang naranasan ng mangilan-ngilang health workers, taliwas naman sa taguri sa kanilang “bayani’ sa panahon ng pandemya.
Noong Abril 3, 2020 sa lalawiganng Quezon, isang driver ng ambulansiya ang binaril dahil sa pagpark ng sasakyan sa residential area matapos pagsuspetsahan na naghatid siya ng pasyente ng COVID-19.
Isang nurse na tinamaan ng COVID-19 nangamba na bumalik sa kanyang bayan dahil nagpetisyon ang mga kapitbahay laban sa kaniyang pagbabalik at kinumpirma din ng pulisya na nagkaroon na ng pagtatangkang sunugin ang isang quarantine facility sa di kalayuan sa kaniyang bahay.
Isa pang nurse ang pauwi ng kaniyang bahay mula sa duty sa ospital sa Cebu nang sabuyan ng chlorine ng .dalawang magka-angkas sa motorsiklo na maswerteng sa hita lang tinamaan.
Sa Pasay City,isang nurse ang pilit na pinalayas ng may-ari ng inuupahang silid dahil sa takot na carrier siya ng COVID-19.
Isang utility worker din sa isang pagamutan sa Sultan Kudarat, Mindanao ang halos mabulag nang sabuyan ng bleach ng limang kalalakihan habang papasok sa trabaho. Nakaranas din ang ilan na ayaw silang papasukin sa mga tindahan, supermarkets, eateries, tinatanggihan na makagamit ng public na laundromats at ayaw pasakayin sa public transport.
Sa kabila ng matinding sakripisyo sa giyera ng COVID-19, tanong naman ng mga healthworkers sa government hospitals, "asaan ang hazard pay allowance?''.
Mga Pinoy, positibong magiging masaya sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon
Positibo ang pananaw ng maraming Pilipino na magiging masaya pa rin ang pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon, sa kabila ng kinakaharap ng malaking hamon sa pandemic na Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa dating Overseas Filipino Worker (OFW) na si Thelma Padilla, "There’s nothing quite like celebrating Christmas and New Year in the Philippines."
Ayon kay Padilla,mula sa mga masasayang parties at masasarap na pagkain hanggang sa mga kakaibang tradisyon at muling pagsasama-sama ng pamilya, talaga namang hindi matatawaran ang saya at ganda ng Paskong Pinoy.
Sa katunayan, ani Padilla, ay maraming dayuhan ang pinipiling magdiwang ng Pasko at Bagong Taon sa Pilipinas dahil ibang-iba at mas sinsero ang Paskong Pinoy.
Tinukoy pa ni Padilla ang ilang dahilan kung bakit kakaiba at mas masaya ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon sa Pilipinas.
Aniya, September pa lang, feel mo na ang holiday season, dahil may mga Christmas lights na at parol sa ilang mga tahanan sa kabila ng pandemic sa COVID-19.
Hindi pa rin aniya nawawala ang pagbibigayan, paglalagay at pagluluto ng
masasarap na pagkain tuwing Pasko.
"Nagsasalu-salo at kumpleto ang pamilya na wala ng hihigit pa sa saya," sabi pa ni Padilla.
Ayon naman kay Loida Hernandez, masaya pa rin ang magiging pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon sa Pilipinas dahil maaga itong pinasisimilan hindi tulad sa ibang bansa na maiksi lamang.
"Mas mahaba ang pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas, nagkakaroon ng family bonding at sama-samang dumadalo ng misa sa madaling araw," ani Hernandez.
Sinabi ni Hernandez, kahit may pandemic, pagpasok pa lang ng September 1, ay feel na feel na ang holiday season dahil sa mga awiting pamasko na naririnig sa radyo.
Nandiyan pa rin ang mga masasarap na kakanin tuwing simbang gabi, tulad ng bibingka, puto bumbong, mainit na kape, tsaa at salabat.
Kahit na ipinagbabawal ang caroling dahil sa pandemic ay marami pa ring mga kabataan ang nagbabahay-bahay, kumakanta at nanghihingi ng kahit magkanong regalo o pamasko.
Kung sa ibang bansa ay acapella ang pangangaroling, dito sa Pilipinas ay gumagamit ang mga namamasko ng improvised musical instruments tulad ng mga pinitpit na tansan ng bote, kawali, o palanggana.
Ayon naman kay Yolanda Santiago, marami pa rin ang nagki-Christmas shopping sa iba't-ibang department strore sa Metro Manila sa kabila ng may pandemya.
Sinabi ni Santiago na ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan at patunay riyan ang tradisyong nakaugalian na ng mga Pinoy. Tuwing Pasko, nagbibigayan ng mga regalo at pera ang mga magkakaibigan at magkakamag-anak. Pero nakaugalian na rin sa Pilipinas ang pagpapapasko sa maging sa mga hindi kakilala.
May ilang namimigay ng mga libreng pagkain, mga candy, regalo, at pera. Likas na mapagbigay ang mga Pilipino kaya kahit hindi mo ninong o ninang, handa silang magregalo sa’yo.
Kahit sinasabi ng marami na mahirap ngayon ang buhay dahil marami ang nawalan ng trabaho bunsod na COVID-19 ay marami pa rin sa mga tahanan ang binihisan at nilagyan ng mga palamuti na sumisimbolo ng Pasko.
"Tuwing sumasapit ang Pasko ay hindi lang mga bituin ang nagliliwanag kundi pati na rin ang mga bahay dahil sa mga makukulay at naglalakihang parol. Sa Pilipinas, hindi mawawala ang mga parol o Christmas lights sa isang bahay bilang dekorasyon dahil isa ito sa mga simbolo ng pasko," sabi ni Santiago.
Masasarap din ang pagkain tuwing Pasko, lalo na kapag sumapit na ang noche buena, napupuno ng masasarap na pagkain ang mga mesa na pinagsasaluhan ng buong pamilya, kasama ang masasarap na kumustahan at kuwentuhan.
"Mula sa fruit salad hanggang sa malinamnam na Hamon, Queso de Bola
Leche Flan, Spaghetti at bibingka, mapapa-round 2 ka sa mesa dahil sa sarap ng mga ito," pahayag pa ni Santiago.
Giit pa ni Santiago, Happy family on a Christmas meal na isa sa mga dahilan kung bakit mas meaningful at masaya ang Pasko.
"Tunay ngang kay saya ng pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas hindi lang dahil sa mga masasayang tradisyon at mga regalong natatanggap. Dapat nating tandaan na ang Pasko ay hindi lang tungkol sa mga materyal na bagay kundi ito ay pagdiriwang sa kapanganakan ng Panginoon Hesus". sabi pa ni Santiago.