MANILA, Philippines — “Magbubukas muli sa 2021 ang operasyon ng TV giant ABS-CBN bilang resulta ng pagpapalit ng liderato sa House of Representatives.”
Ito ang kinumpirma ni Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Lord Allan Velasco ay maibabalik muli sa floor ang diskusyon sa pagpapalawig sa prangkisa ng ABS-CBN.
“Iam really confident, justice will prevail by next year.They (ABS-CBN) were maltreated, they were maltreated, they were eventually assassinated, so they should be given justice. Ako, I am just giving the new Speaker time to settle. Hindi naman natin puwedeng biglain, major battle, kauupo lamang niya. But Iam not shying away from the responsibility and for the opportunity to come – that I’m working on – para maibalik natin ‘yung floor discussion. Hindi ‘yung special firing squad ang pumatay sa ABS-CBN, firing squad eh,” paliwanag ni Atienza kung saan ang firing squad ay ang pagtukoy sa ginawang pagbasura agad sa komite level ng franchise renewal application ng giant network at hindi na ito naisalang sa plenaryo.
Sa botong 70 pabor,11 na pagtutol at 1 abstain ay matatandaang ibinasura ng House Committee on Legislative Franchises ang aplikasyon para sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Sinabi naman ni House Minority leader at Abang-Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano na pagpasok ng 2021 ay maaari nang maghain ng franchise renewal application ang ABS-CBN alinsunod na rin sa rules ng Kamara.
Sa ngayon ay wala pang pro-ABS-CBN congressman ang naghahayag ng kanilang intensyon na maghain ng panukala para i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN, subalit kung pagbabatayan ang House rules ay maaaring hindi na maghain ng bagong aplikasyon dahil maaari namang gamitin ang dati nang panukala dahil walang pagbabawal sa filing o refiling ng mga bills na hindi naaktuhan ng komite.
Nang tanungin si Atienza kung isa siya sa maghahain ng panukala para sa franchise renewal ng ABS-CBN, positibo ang kanyang naging sagot at sinabing gagawin niya ito pagdating ng panahon.
Matatandaan na nasa 16 mambabatas sa Kamara ang sponsor ng iba’t ibang resolusyon at panukala para sa franchise renewal noon ng ABS-CBN kabilang dito sina Reps. Sarah Elago, Sol Aragones, Arlene Brosas, Eufemia Cullamat, Lawrence Fortun, Mark Go, Rufus Rodriguez, Josephine Sato, Micaela Violago, Rosemarie Arenas, France Castro, Ferdinand Gaite, Loren Legarda, Vilma Santos-Recto, Joy Tambunting at Carlos Zarate, ang dalawang sponsor na sina Paduano at Kabayan Partylist Rep Ron Salo ay nag-withdraw ng kanilang support kalaunan.
Tiwala ang mga mambabatas na sa pagbabago ng liderato sa Kamara ay magkakaroon ng pag-asa na mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.