MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Budget and Management Secretary Wendel Avisado na nakahanda ang gobyerno na maglaan ng P73 bilyon para bumili ng COVID-19 vaccine.
Sinabi ni Avisado na sa huling ulat ni Finance Secretary Carlos Dominguez III kay Pangulong Rodrigo Duterte, binanggit nito na handa na ang pamahalaan na gumastos ng P73 bilyon para mabakunahan ang nasa 60 milyong Filipino upang magkaroon ng herd immunity.
“Sa huling report ni Secretary Sonny Dominguez kay Pangulong Duterte in the last meeting namin ay sinabi na niya na nakahanda na ang ating pamahalaan na gumastos hanggang 73 billion pesos para nang sa ganoon ay ma-vaccinate natin ang kulang-kulang 60 million Filipinos or more para ma-attain natin iyong tinatawag na herd immunity,” ani Avisado.
Idinagdag ni Avisado na pinaghandaan na ng economic team ng gobyerno na kailangan ang malaking pondo para sa bakuna.
Sinabi rin ni Avisado na mayroon nang standby fund na P10 bilyon sa Bayanihan II.
Nakapaloob din sa ipapasang national budget para sa 2021 ang P2.5-B inisyal na pondo para sa pagbili ng COVID-19 vaccine.