‘Face-to-face classes’ tablado sa DOH
MANILA, Philippines — Dahil sa patuloy na banta pa rin ng COVID-19 ay matigas pa rin ang pagtanggi ng Department of Health (DOH) na payagan na ang ‘face-to-face classes’ at ang pagpapalabas sa tahanan ng mga batang may edad 14-anyos pababa.
Sinabi kahapon ni Health Secretary Francisco Duque III na maging sa mga probinsya at ibang mga lungsod ay walang nakapagtatala ng “zero cases” ng COVID-19.
Tanging ang lalawigan ng Batanes pa lamang ang nakapagtala ng “zero cases” sa loob ng dalawa hanggang apat na linggong sunod.
“‘Yung atin pong policy sa ngayon ay patuloy na no face-to-face classes,” giit ni Duque na base umano sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kung magbabago naman ng isip ang Pangulo, sinabi ng kalihim na dapat bumuo muli ng bagong regulasyon ukol dito.
Kasama sa maaaring maging regulasyon ay payagan ang ‘face-to-face classes’ sa mga lugar lamang na mababa ang kaso at may sapat na mga healthcare na pasilidad partikular sa ‘critical care.’
Kontra pa rin naman ang DOH sa panukala na payagan nang makalabas ng bahay ang mga batang may edad 14-anyos pababa ngayong Kapaskuhan.
Katwiran ni Duque, hindi ‘exempted’ ang mga bata sa hawahan lalo na’t sa higit 400,000 kaso ng COVID-19 sa bansa, nasa 3% hanggang 5% ay mga bata.
- Latest