MANILA, Philippines — Kapansin-pansin na bumabalik sa paggamit ng marijuana ang adik dahil hirap silang makakuha ng suplay ng shabu.
Ito ang naging pahayag ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año kasunod ng pinaigting na kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa ilegal na droga.
Binanggit ni Año ang pagkakaaresto kamakailan sa tatlong katao sa EDSA, Balintawak sa Quezon City na nagresulta sa pagkakakumpiska sa 128 kilo ng marijuana.
Noong November 24 ay mayroon din aniyang tatlong plantasyon ng marijuana na nadiskubre ang PNP.
Nagresulta ito sa pagsunog sa mga pananim na marijuana sa 28,000 na ektaryang lupain at aabot sa mahigit P5 milyon ang halaga.
Ayon pa kay Año, simula noong January 1 hanggang September 30 ang PNP at ang PDEA ay nakapagsagawa ng operasyon kontra ilegal na droga na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga shabu, cocaine at ecstasy na aabot sa P12.47 billion ang halaga.- Mer Layson