MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Department of Health (DOH) na patuloy ang paglubha ng kaso ng AIDS sa Pilipinas kung saan nasa 21 kaso ang naitatala kada araw sa bansa.
Ito ang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III kasabay ng paggunita sa World AIDS Day at dahil sa naturang mataas na bilang ay nahaharap ang bansa sa isang ‘public health threat’ bukod sa COVID-19 na kailangang agad na maaksyunan katuwang ang kolaborasyon ng lokal na mga komunidad, civil society organizations at ng populasyon ng bansa.
Sa datos ng DOH HIV/AIDS at ART Registry of the Philippines (HARP), may kabuuang 81,169 HIV at AIDS cases na ang bansa mula noong Enero 1984 hanggang nitong Oktubre 2020.
Nitong Oktubre, nasa 735 bagong kumpirmadong kaso ng HIV ang nadagdag sa talaan kung saan 96 porsyento o 704 sa kanila ay mga lalaki.
Sa kabuuang kaso, 94% o 76,216 ang lalaki at higit 51% nito ay nasa edad sa pagitan ng 25-34 taong gulang nang ma-diagnose na may HIV.
Ang rehiyon na may pinakamaraming kaso ay mula sa National Capital Region na may 30,622 cases (38%), kasunod ang CALABARZON na may 12,467 (15%), Central Luzon na may 8,005 (10%), Central Visayas na may 6,827 (8%), at Davao Region na may 4,477 (6%).
Nangako ang DOH na patuloy na magbibigay ng kalidad na serbisyo para malabanan ang pagkalat ng HIV-AIDS at para sa mga nahawa ng sakit.