MANILA, Philippines — Umakyat na sa P12.9 bilyong pisong halaga ang iniwang pinsala ng bagyong Ulysses na nagpalubog din sa buong Cagayan.
Sa inilabas na datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa P8.699 bilyon ang winasak ni Ulysses sa infrastructure at P4.213 bilyon naman sa agrikultura.
Ang pinsala sa Cagayan Valley ay umabot sa P4.960 bilyon sa infrastructure at P1.129 bilyon sa agriculture.
Itinuturing na pangalawa ang bagyong Ulysses sa bagyong Rolly na nag-iwan ng 73 patay.
Lumilitaw din sa datos ng NDRRMC na P17.875 bilyon ang iniwang pinsala ni “Rolly” habang P4.222 bilyon naman si Quinta kaya aabot sa P35 bilyon ang pinsala ng tatlong magkakasunod na bagyo.
Idinagdag pa ng NDRRMC na sa Bicol, nasa P168.502 milyon ang sinira ng bagyong Quinta at Rolly habang nasa P1.377 bilyon ang sinira sa agrikultura at P964.58 milyon sa infrastructure sa Central Luzon.
Nasa 3.7 milyong indibiduwal mula sa walong rehiyon ang naapektuhan ng bagyong Ulysses habang nasa 80,166 ang nawalan ng tirahan, supply ng kuryente at tubig.