Sa pananalasa ni ‘Ulysses’…
MANILA, Philippines — Mahigit 11 milyong mag-aaral sa Luzon ang naapektuhan ng class suspension dahil sa pananalasa ng bagyong Ulysses.
Batay sa Education Cluster Report on Ulysses, na inilabas ni DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service Director Ronilda Co, nabatid na simula nang suspendihin ang klase noong Nobyembre 11 ay nasa 20,941 paaralan o kabuuang 11, 900, 260 enrollees, na sa ilalim ng 105 dibisyon sa Cordillera Administrative Region (CAR), National Capital Region (NCR), Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, at Bicol, ang apektado.
Ayon pa sa DepEd, nasa 430 eskwelahan o 14,844 na classrooms mula sa 47 dibisyon ng NCR, CAR, at Regions 1,2,3,4-A, 4-B, 5 at 8, ang ginamit bilang evacuation centers ng may 1,935 pamilya o 56,676 katao na nasalanta ng bagyo kung saan 7,989 sa mga ito ay estudyante.
Naglabas naman ang DepEd Calabarzon (Region 4-A) ng regional memorandum noong Nobyembre 15 na nagsususpinde rin ng klase sa ilang lugar sa Antipolo City na grabeng tinamaan ng hagupit ng bagyo.
Ipinag-utos naman ni DepEd Region 4-A Director Wilfredo Cabral ang pagsuspinde sa distance learning activities sa walong elementary at tatlong secondary school mula Nobyembre 16 hanggang 20.
Habang sa hiwalay namang memorandum order nitong Nobyembre 15, ipinag-utos din ni Cabral ang suspensiyon sa distance learning activities sa mga bayan ng Rodriguez, San Mateo, Cainta, Taytay, Baras at upland Tanay sa Rizal mula Nobyembre 16 hanggang 20.
Layunin aniya nitong mabigyan ng sapat na panahon na makarekober ang pamilya at mga estudyanteng naapektuhan ng bagyo.
Sinabi ng DepEd na ang distance learning naman sa Cagayan at Tuguegarao City ay suspendido rin at magkakaroon na lang ng koordinasyon sa Local Government Unit (LGU) kung hanggang kailan mananatili ang suspensiyon ng klase.
Sa kabilang dako, sa Metro Manila, ilang unibersidad at paaralan, at mga lokal na pamahalaan, ang nagpatupad ng academic breaks dahil sa epekto ng bagyong Ulysses.