MANILA, Philippines — Ipinahayag ni San Jose del Monte City, Bulacan Rep. Florida “Rida” Robes na hindi ngayon ang tamang panahon upang magbato ng puna at kritisismo para lamang isulong ang layuning politikal at personal na interes matapos kumalat sa social media sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ulysses ang #NasaanAngPangulo na umano’y kagagawan ng oposisyon.
Ayon kay Robes, nakapanghihina ng loob ang mga kritisismo sa gitna ng napakalaking problemang kinakaharap ng bansa na hindi lamang hinagupit ng kalamidad na dulot ng sunud-sunod na malalakas na bagyo kundi sa patuloy na banta ng nakahahawa at nakamamatay sa pandemya ng coronavirus disease (COVID-19).
Idinagdag pa ng mambabatas na ang napakalaking paghihirap na dinaranas ngayon ng bansa ay walang kahalintulad kaya’t maraming mamamayan ang nangangailangan ng agarang tulong.
Sa halip anya na kondenahin ang pamahalaan, mas nararapat na gumawa ng kaukulang aksiyon ang lahat upang matulungan ang maraming mamamayan na nababalisa na sa hirap na dinaranas na dulot ng pandemya na sinundan pa ng magkasunod na malalakas na bagyo.