MANILA, Philippines — Nag-iwanng 42 patay ang bagyong Ulysses nang bahain nito ang Metro Manila at Luzon na lagpas tao at naging sanhi rin ng pagbagsak ng mga pader, pagguho ng lupa at mga makakapal na putik sa maraming lugar.
Libong tao ang sinagip sa bubong ng kanilang mga bahay dahil sa pagtaas ng tubig-baha sa Rodriguez, Rizal.
Ayon kay PNP Chief Debold Sinas, 3 ang namatay sa Metro Manila; 14 sa PRO2; 3 sa PRO3; 9 sa PRO4A; 6 sa PRO5; at 7 sa PROCOR habang 22 pa ang nawawala.
Kaya naman nagdeploy ang militar ng amphibious assault vehicles na karaniwang ginagamit sa counter-insurgency operations para magsagawa ng rescue operation.
Magugunita na sinalanta ng bagyong Ulysses ang Metro Manila at karatig lalawigan na kung saan ay itinumba ang mga poste ng kuryente, puno at pader sa dala nitong hangin at pagguho ng lupa.
Umabot din sa halos 3.8 milyon kabahayan sa Metro Manila at karatig lalawigan ang nawalan ng kuryente na agad din naibalik sa ibang lugar pagkalipas ng ilang oras at inaasahan naman na “fully restored” sa loob ng tatlong araw.
Iniulat naman ni DPWH Secretary Mark Villar na tinatayang aabot sa P4.25 bilyong halaga ng imprastraktura ng pamahalaan na winasak kabilang ang kalsada, tulay, seawalls, at mga pampublikong gusali. - Danilo Garcia, Angie dela Cruz, Malou Escudero