MANILA, Philippines — Tatlong preso ang namatay at umabot sa 64 ang nasaktan sa riot na sumiklab sa pagitan ng mga preso sa loob ng National Bilibid Prison sa Muntinlupa City, kahapon ng umaga.
Ayon kay Gabby Chaclag, tagapagsalita ng Bureau of Corrections (BuCor), bago mag-alas 8:39 ng umaga nang magsimula ang kaguluhan sa Maximum Security compound na nag-ugat sa pananaksak sa isang miyembro ng Commando Gang ng miyembro ng Sputnik Gang kaya’t nagkaroon na nang gantihan.
Nang pumasok ang BuCor security force, Special Weapons and Tactics (SWAT) ay sinalubong umano ng mga putok na nagmula sa grupo ng inmates kaya tumawag pa ng alalay ang BuCor na nirespondehan naman ng Philippine National Police-Special Action Foce (PNP-SAF), National Capital Region Police Office (NCRPO).
Bukod sa putukan ay umulan pa ng pana sa riot kaya nahirapan pasukin ng mga otoridad.
Alas 10:00 na ng umaga nang mapahupa ang gulo at agad nagsagawa ng clearing operations ang BuCor personnel, NCRPO at Bureau of Fire Protection (BFP) at nakita na may tatlong patay.
Dinala sa NBP hospital ang mga sugatan subalit ang anim na mas malubha ang tama ay inilipat sa Ospital ng Muntinlupa.
Noon lang nakaraang buwan, siyam na preso ang namatay sa pagsiklab ng riot sa pagitan ng mga miyembro ng Sputnik at Commando gangs.
Iniimbestigahan na aniya ang pangyayari at papatawan ng disciplinary actions ang mga nagpasimuno sa gulo.