Duterte nag-aerial inspection sa sinalanta ni ‘Rolly’

Binisita kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Guinobatan, Albay para matingnan ang mga nawasak na kabahayan at pananim dulot ng bagyong Rolly. Iimbestigahan din nito ang sumbong ng mga residente ang isang quarrying sa lugar.

MANILA, Philippines — Habang pabalik sa Maynila mula sa Davao ay nagsagawa kahapon ng aerial inspection si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Rolly sa Bicol at CALABARZON.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kumpirmado ang pagbabalik sa Maynila ng Pangulo isang araw matapos manalasa ang supertyphoon sa bansa.

Marami ang bumatikos kay Duterte sa social media na diumano’y hindi nakita sa publiko sa kasagsagan ng bagyo.

Nauna nang tiniyak ng Malacañang na tuloy ang trabaho no Duterte kahit nasa Davao ito at naka-monitor sa mga kaganapan.

Sinabi rin ni Roque na posibleng magbigay ng kanyang regular na public address ang Pangulo.

Nagkaroon ng meeting ang mga miyembro ng Gabinete noong Linggo kung saan hindi nakasama ang Pangulo kaya nag trending ang hashtag na #NasaanAngPangulo.

Tiniyak naman ni Sen.Christopher “Bong” Go na pupuntahan ng Pangulo ang mga sinalanta ng Bagyong Rolly.

Related video:

Show comments