MANILA, Philippines — Inihayag ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesman Mark Timbal na tinatayang 19 hanggang 31 milyong mga Filipino ang maaapektuhan ng bagyong Rolly.
Pero, siniguro ni Timbal na sapat ang mga evacuation centers sa mga nasabing lugar kung saan inilikas ang mga apektadong kababayan natin.
Iniulat ni NDRRMC Executive Director Usec Ricardo Jalad na sa Bicol region halos isang milyon na ang inilikas bago pa man mag-landfall ang bagyong Rolly kahapon ng madaling araw sa Catanduanes.
Lahat ng mga nakatira sa mga danger zones ay inilikas na sa mas ligtas na lugar dahil ang bagyong Rolly ay may dalang malakas na hangin at pag-ulan na magdudulot ng malawakang pagbaha, pagguho ng lupa at storm surge.
Pinatitiyak naman ni Jalad sa mga LGUs na nasusunod ang Covid-19 protocols sa mga evacuation centers.