Malawakang pinsala sa bagyong Rolly, nagbabadya!

Ito ang inihayag ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Director Ricardo Jalad kaya puspusan na ang pagha­handa ng mga Local Go­vernment Units (LGUs) sa pakikipagkoordinasyon sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) sa epekto ng bagyong Rolly kabilang na ang pagpapatupad ng mandatory, preemptive at forced evacuation sa mga apektadong lugar.
bagong.pagasa.dost.gov.ph

Daluyong, malawakang pagbaha ibinabala..

MANILA, Philippines — Nagbabadyang mag­dulot ng ma­lawakang pinsala sa bansa dulot ng mga daluyong at malawakang pagbaha ang bagyong Rolly na itinuturing na pinakamalakas ngayong 2020 at posibleng maging super typhoon habang papalapit na ang pagtama nito sa kalupaan partikular na sa Bicol Region, Quezon, Aurora at iba pang bahagi ng Luzon.

Ito ang inihayag ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Director Ricardo Jalad kaya puspusan na ang pagha­handa ng mga Local Go­vernment Units (LGUs) sa pakikipagkoordinasyon sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) sa epekto ng bagyong Rolly kabilang na ang pagpapatupad ng mandatory, preemptive at forced evacuation sa mga apektadong lugar.

“Malawak na pinsala ang nakikita natin dito kahit hindi siya maging super typhoon. Kung typhoon level lang ay aabot tayo sa typhoon signal number 4 at magkakaroon na lakas ng hangin na 171-220 kph at asahan natin ang heavy up to very heavy,” ani Jalad sa daraanan ng bagyo.

Sinabi ni Jahad na naka-red alert ang kanilang tanggapan sa mga rehiyon at lalawigan na nasa ilalim ng storm signal ng bagyong Rolly kasunod ng inianunsyo ng PAG-ASA na nanatili ang lakas ng bagyong Rolly na tumatahak patungo sa Bicol Region. Isinailalim din sa pinakamataas na alerto ang Regional Office of Civil Defense (OCD) units sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) kung saan pinalilikas ang mga residente sa floodprone at landslide prone areas.

Inihayag naman ni Police Regional Office (PRO)-V director P/Brig. Gen. Bart Bustamante nasa “full alert status” na ang PNP units para sa search and rescue ope­rations sa Bicol Region habang ang lahat ng personnel ng Regional Headquarters at Regio­nal Mobile Force Batta­lion ay naka-standby para sa augmentation sa local police units.

Sa pagtaya ng PAGASA, napanatili ang lakas ni Rolly habang kumikilos pakanluran timog kanluran papuntang Bicol Region. Alas-10:00 ng umaga kahapon, ang mata ni Rolly ay namataan sa 480 kilometro ng sila­ngan hilagang silangan ng Virac, Catanduanes at kumikilos pakanluran timog kanluran sa bilis na 20 km bawat oras. Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 215 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugso ng hangin na umaabot sa 265 km bawat oras.

Ang sentro ng mata ni Rolly ay malapit sa Catanduanes, Calaguas Islands, gayundin sa mainland Camarines provinces ngayong Linggo ng umaga at sa Polillo Islands at mainland Quezon, Linggo ng hapon.

Ngayong umaga, si Rolly ay inaasahang nasa layong 70 kilometro ng silangan ng  Daet, Camarines Norte at sa Lunes ay nasa layong 160 kilometro ng kanluran ng Iba, Zambales at sa nasa labas na ng PAR sa Martes.

Nasa Signal number 3 ang hilagang bahagi ng Camarines Sur at Albay. Signal no. 2 sa southeastern ng Laguna, Quezon kabilang ang Polillo Islands, Camarines Norte, kabuuan ng Camarines Sur, Albay, Sorsogon; hilagang bahagi ng Masbate kabilang ang Ticao at Burias Islands, Marinduque at Romblon habang Signal No. 1 ang Metro Manila, Rizal, Laguna, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro gayundin ang Lubang Island, Oriental Mindoro, Bulacan, Pampanga, Bataan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Aurora, Pangasinan, La Union, Benguet, Ifugao, Nueva Vizcaya, Quirino at katimugan ng Isabela. - Angie dela Cruz at Malou Escudero

Show comments