MANILA, Philippines — “Naghahanap lang po ng ebidensya ang Pangulo. Kahit sino naman po, kahit gaano kalapit sa kanya, kahit gaano ang pagpuri niya sa nakaraan kung meron naman pong ebidensya ng katiwalian ay parurusahan ng ating Presidente.”
Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi exempted sa imbestigasyon ang mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte na inaakusahan ng katiwalian.
Ang pagtiyak ay ginawa ni Roque matapos punahin ni Sen. Panfilo Lacson ang mistulang pagtatanggol ng Pangulo kina Health Secretary Francisco Duque III at Public Works Secretary Mark Villar.
Tiniyak ni Roque na ang papuri ng Pangulo sa dalawang opisyal ay hindi nangangahulugan na hindi na sila maaaring imbestigahan.
Ipinunto pa ni Roque na bilang dating prosecutor, malawak ang karanasan ng Pangulo pagdating sa mga kaso tungkol sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.