Sa pagdagsa ng tao bago ang Undas
MANILA, Philippines — Magpapatupad ang Philippine National Police (PNP) ng mahigpit na “police visibility” sa mga sementeryo sa Metro Manila dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tao, isang linggo bago ang Undas o Pista ng mga Patay sa Nobyembre 1.
Ayon kay PNP Chief P/General Camilo Pancratius Cascolan, dahil sa pandemya ay isasara ang mga sementeryo sa Undas kaya asahan ang maagang pagbisita ng mga tao sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Sinabi ni Cascolan na upang maiwasan ang pagsisiksikan ng mga tao at sa posibleng hawaan ng COVID-19, bago ang mismong araw ng Araw ng mga Patay ay naglatag na sila ng preemptive measures sa bisinidad ng mga sementeryo, lansangan at iba pang mga istratehikong mga lugar.
Una nang ipinag-utos ng Inter-Agency Task Force (IATF) na isara ang mga sementeryo sa Undas dahilan sa COVID 19 pandemic kung saan sa Metro Manila ay isasara ito mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4 samantalang pahihintulutan naman ang pagbisita sa mga sementeryo ng mga indibidwal mula Nob. 5 hanggang Nob. 15.
Ayon kay Cascolan, dahilan sarado ang mga sementeryo sa mismong araw ng UNDAS ay may mga bibisita ng maaga o kaya naman ay palilipasin muna ang lockdown bago dumalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.