MANILA, Philippines — Isasama sa mga sasampahan ng kasong kriminal at administratibo sina Health Secretary Francisco Duque at dating PhilHealth President Ricardo Morales kaugnay ng malawakang korapsyon na kinasangkutan ng mga tiwaling opisyal ng state health insurer ng bansa.
Ito ang inirekomenda ng House Committee on Public Accounts na nag-imbestiga sa garapalan at malawakang korapsyon na kinasangkutan ng mga opisyal na miyembro ng mafia sa PhilHealth.
Ayon sa komite, nakahanda silang maghain ng kaso laban sa mga opisyal ng PhilHealth batay sa lumabas na resulta ng imbestigasyon ng dalawang panel ng Kamara.
Nakasaad sa rekomendasyon ng 65 pahina ng nag-leak na report ng komite bukod kina Duque at Morales kabilang din sa pinakakasuhan sina PhilHealth Executive Vice President Arnel de Jesus, Senior Vice Presidents Israel Francis Pargas, Renato Limsiaco Jr. at Rodolfo del Rosario.
Gayundin sina Labor Secretary Silvestre Bello III at Budget Secretary Wendel Avisado bilang mga miyembro ng PhilHealth board at iba pang company officials at board members.
Nilinaw naman ng ilang mambabatas na ang nag-leak na Committee report sa isinagawang pagsisiyasat laban sa PhilHealth ng Kamara ay hindi pa opisyal at pinal.