MANILA, Philippines — Bunsod ng nararanasang COVID-19 pandemic ay kinansela ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila ang tradisyon na “Traslacion” o ang prusisyon ng imahe ng Itim na Poong Hesus Nazareno sa darating na Enero 9, 2021.
Ito ang napagkasunduan sa ginanap na pagpupulong kahapon sa pagitan nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at pamunuan ng Simbahan ng Quiapo patungkol sa Pista ng Quiapo sa susunod na taon upang matiyak na masunod ang ipinapatupad na health protocols sa mga nananampalataya at deboto ng Itim na Nazareno.
Taun-taon ay milyong deboto na nakapaa ang dumadagsa sa prusisyon ng Black Nazarene mula sa Quirino Grandstand sa Luneta hanggang sa maibalik sa Quiapo Church sa paniniwalang mapaghimala ang imahe ng Itim na Nazareno.
Ayon sa Alkalde, kailangang manaig ang health protocols sa mga religious traditions, lalo na at matindi ang banta ng pandemic sa lungsod ng Maynila.
“Nakikisuyo po ako, iwasan po muna natin ang mga parada at prusisyon ngayong may pandemya dulot ng sakit na COVID-19. Maaari pong mapahamak ang ating mga deboto, mailagay sila sa alanganin,” ani Domagoso.
“Maging conservative po tayo sa paggunita ng mga prusisyon. There are things that we cannot control pero puwedengmaiwasan. Kung libu-libo ang pupunta sa prusisyon, isa lang sa kanila ang maimpeksyon, tapos magkakadikit-dikit pa sila, pinagpapawisan, nagkakalat na droplets ng laway, delikado po iyan,” dagdag pa ng Alkalde.
Ayon naman kay Quiapo Church rector Monsignor Hernando Coronel, magsasagawa aniya sila ng sunud-sunod na misa sa January 9 at ang mga bikaryo ay ilalagay sa canopy sa labas ng simbahan.
Aminado naman na nalungkot si Coronel ngunit kailangang tumalima ang publiko at simbahan sa health protocols na itinatakda ng pamahalaan.