Passenger capacity sa 4 tren tinaasan na

Kaya ngayong araw ay tataas na sa 30 por­syento ang maximum passenger capacity ng Metro Rail Transit Line – 3 (MRT-3), Light Rail Transit Line 1 (LRT-1), Light Rail Transit Line 2 (LRT-2), at Philippine National Railways (PNR).
File

MANILA, Philippines — Upang mas marami pa ang ma-accommodate na pasahero ay ipinag-utos ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa DOTr railways sector na dagdagan ang maximum passenger capa­city ng mga tren. Ito ay alinsunod sa desisyon ni President Rodrigo Duterte at buong Gabinete na aprubahan ang mga rekomendasyon ng Economic Development Council (EDC) para sa economic recovery.

Kaya ngayong araw ay tataas na sa 30 por­syento ang maximum passenger capacity ng Metro Rail Transit Line – 3 (MRT-3), Light Rail Transit Line 1 (LRT-1), Light Rail Transit Line 2 (LRT-2), at Philippine National Railways (PNR).

Kasunod nito, nagkaroon ng adjustment sa nakalagay na social distan­cing marks sa loob ng tren.

“Our railway lines are preparing for the increased capacity, initially to 30%. Ang bilin po ni Secretary Tugade, dapat po ay dahan-dahan ang pagdagdag sa kapasidad ng mga tren at siguruhing mahigpit na ipatutupad ang 7 commandments upang maprotektahan ang kalusugan ng ating mga commuter,” pahayag ni DOTr Undersecretary for Railways TJ Batan.

Sa pagtaas ng train capacity, kaya nang makasakay ng 372 pasahero sa kada train set sa MRT-3.

Aabot naman sa 370 pasahero ang kayang mapasakay sa bawat train set sa LRT-1 habang 486 pasahero naman sa bawat train set ng LRT-2.

Sa PNR, nasa 179 commuter ang kayang ma-accommodate sa kada train set para sa DMU ROTEM model; 167 sa kada train set para sa the DMU 8000; 228 sa kada train set para sa DMU 8100; at 302 pasahero naman sa kada train set para sa EMU model.

Tiniyak naman ng kagawaran na patuloy pa ring ipatutupad ang “7 Commandments” o health protocols sa loob ng public transport upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Magde-deploy din ng train marshals sa mga istasyon at loob ng tren.

Show comments