MANILA, Philippines — Nangako ang Manila Electric Co. (Meralco) na tatalima sila sa kautusan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na palawigin pa ang kanilang “no disconnection policy” hanggang sa Disyembre, 2020.
Ito’y sa gitna pa rin ng nananatiling pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, sa ngayon inaantabayanan pa nila ang ipalalabas na mga panuntunan ng ERC hinggil sa ekstensiyon ng naturang polisiya. Paniniguro pa niya, tatalima sila kung magkakaroon ng kautusan, base sa bagong guidelines o advisory.
Muli rin namang tiniyak ni Zaldarriaga na magiging “very considerate” sila at nanindigan na hindi nila prayoridad ang pagpuputol ng kuryente sa ngayon.
Matatandaang ang “no disconnection policy” ng Meralco ay magtatapos sana ngayong Oktubre 31. Gayunman, sinabi ng ERC na plano nilang palawigin pa ito hanggang sa katapusan ng taon dahil marami pa ring mga consumers ang hindi nakakabangon sa epekto ng pandemya.