Beep cards kakanselahin ng DOTr
‘Pag ‘di nilibre sa commuters..
MANILA, Philippines — Nagbanta ang Department of Transportation (DOTr) na sususpindihin nito ang paggamit ng automatic fare collection system sa EDSA Busway kung tatangging makipag-cooperate ang AF Payments Inc. (AFPI) at hindi tatanggalin ang P80 na bayad sa kanilang “beep card” na modernong gamit para sa isinusulong na “cashless transactions” sa mga PUVs.
Ang pahayag ay ginawa ng DOTr kasunod ng muling panawagan nito kahapon sa AFPI na alisin na ang service fee at iba pang charges na ipinapataw sa kanilang beep card at ipagamit ng libre sa mga mananakay.
Ayon DOTr Secretary Arthur Tugade, ang bayad sa beep card ay karagdagang pasanin ng mga ordinaryong komyuter na hanggang ngayon ay hindi pa nakakabangon mula sa epekto ng COVID-19 crisis, at maaari na sana nilang magamit ito sa pagbili ng iba pa nilang pangangailangan.
Iginiit pa ng DOTr na kung tatanggi ang AFPI sa kanilang kahilingan ay sususpindihin na lamang nila ang automatic fare collection sa EDSA Busway upang mabawasan ang pasanin ng mga commuters.
Una nang sinabi ng AFPI na wala na silang kikitain kung libreng ipagagamit ang beep cards sa commuters.
Gayunman, ipinunto ni Tugade na hindi ito usapin ng kikitain ng service provider, bagkus, ito ay usapin ng pagmamalasakit sa commuters dahil sila ang isa sa mga pinaka-tinamaan ang kabuhayan bunsod ng pandemya. Ang P80 aniya ay malaking bagay na para sa mga commuter at ordinaryong manggagawa.
- Latest