MANILA, Philippines — Tatlong magkamag-anak kabilang ang dalawang paslit ang pinagtataga ng isang lasing habang natutulog sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Nasandig, Batuan, Masbate, kahapon ng madaling araw.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Luz Escote Ramos, 6; Rica Marasigan Lumunsod, 8; at Hermie Gerela Sumagaysay, 30.
Ang suspek na pinaghahanap ng pulisya ay nakilalang si Gaspar Cantuba Doctor, nasa hustong gulang, may-asawa at residente ng nasabing lugar.
Sa ulat, pasado alas-12:00 ng madaling araw nang pasukin ng suspek ang bahay ng mga biktima at walang kaabug-abog na pinagtataga ang mga ito habang natutulog.
Lumalabas sa imbestigasyon na bago nangyari ang krimen ay kainuman ng suspek si Shanani Ramos, nanay ng isa sa biktima nang magtalo ang mga ito na kumuha sa kanyang pitaka dahilan para umalis ang una.
Inakala naman ni Shanani na tuluyan nang umuwi si Doctor kaya umalis na ito at nagpunta muna sa bahay ng isa pang kamag-anak pero bumalik sa kanilang inuman ang suspek.
Nang hindi makita ng suspek si Shanani ay dumeretso ito sa bahay nito at nang hindi makita ang huli ay pinagbuntunan nito ng galit ang mga biktima na mahimbing na natutulog.