Navy reservist dinukot, pinugutan ng ulo

Oliver Ignacio

Ulo inilagay sa ice box…

MANILA, Philippines — Isang Philippine Navy reservist na dinukot ng tatlong hindi pa kilalang lalaki sa Navotas, kamakalawa ng hapon ang pinugutan ng ulo na kung saan ang ulo nito ay inilagay sa ice box at iniwan kamakalawa ng hatinggabi sa kalye sa Sta. Cruz, Maynila.

Kinilala ang biktima na si Oliver Ignacio, 37, binata, empleyado ng Navotas Project Management Office at residente ng Cabrera St., Brgy. San Roque, Navotas City.

Sa ulat ng Manila Police District-Meisic Station, natagpuan ang pugot na ulo ni Ignacio, bandang 11:50 ng gabi sa kanto ng Florentino Torres at Soler Sts., Sta. Cruz, Maynila.

Ayon sa mga saksing sina Jerwin Mirabuena, 28 at Jun San Diego, 34, mga tricycle driver sa lugar, nakita nilang may inihagis na ice box sa kalsada kaya napukaw ang kanilang atensyon.

Nang buksan ang ice box ay tumambad sa kanila ang nakasilid na pugot na ulo ng biktima.

Sa paunang pagsisiyasat, si Ignacio ay napag-alamang unang iniulat na dinukot ng tatlong lalaki sa mismong harap ng Navotas City impounding area sa C-4 Rd., Brgy. BBN., bandang 4:45 ng hapon nito ring Huwebes.

Nabatid na kakuwen­tuhan ni Ignacio ang kasama sa trabaho na si Edgardo Roxas nang huminto sa kanilang harap ang isang walang plakang Mitsubishi Montero Sport at dalawang motorsiklo.

May tatlong lalaki na bumaba sa Montero at puwersahang isinasakay sa sasakyan ang biktima na noo’y may kausap sa telepono.

Isa sa lalaki ang lumapit kay Roxas at nagsabing may warrant arrest umano sila kaya hinuli nila si Ignacio.

Nang maisakay, mabilis na umalis ang Montero at ang dalawang motorsiklo patungo sa direksyon ng Maynila at ilang oras ang nakakalipas ay natagpuan ang biktima pero pugot na ulo na lang.

Patuloy ang imbestigasyon sa krimen para malaman ang motibo sa brutal na pagpatay sa biktima.

Show comments