MANILA, Philippines — Wala umanong kakayahan na makapanghawa ng COVID-19 ang mga lamok at iba pang insekto sa pamamagitan ng pagdapo o pagkagat nito sa mga tao.
Ito ang lumabas sa isang ‘clinical study’ ng US Department of Agriculture at ang Kansas State University ukol sa potensyal na pagkalat ng virus sa pamamagitan ng lamok na kilalang nagtataglay at nagpapasa ng isang virus tulad ng West Nile virus, Zika at iba pa, sa tao at maging sa mga hayop.
Sa kanilang eksperimento, ilang kilalang uri ng lamok na kilala sa pagpapakalat ng sakit at iba pang insekto na nangangagat ang ginamit ng mga siyentista na pinakain ng dugo na hinaluan ng novel coronavirus, SARS-CoV-2.
Dito nadiskubre na hindi kayang mabuhay o magpadami ng virus sa loob ng mga insekto.
Nakatakda pa namang isailalim sa pagsusuri ng ibang mga siyentista o tinatawag na ‘peer review’ ang naturang resulta.