MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ng mga alkalde sa Metro Manila ang pagtanggal sa curfew na umiiral mula 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga para malimitahan ang galaw ng tao at makaiwas sa COVID-19.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na tumatayong chairman ng Metro Manila Council na nasa agenda na nila sa pagpupulong sa susunod na linggo ang pagtanggal sa curfew.
Pero sa ngayon, iiral muna ang curfew maliban na lamang sa mga nasa food delivery services na pinapapayagang makabiyahe ng 24 oras.
“Iyon pong ating curfew ay pinag-aaralan ‘yan na mapatanggal po iyong curfew. Sa susunod po na meeting namin, ‘yan po ang isa aming main agenda para mabuksan na po ‘yung economy natin,” pahayag ni Olivarez.
Titiyaking hindi makokompromiso ang mga health protocols sakaling tuluyang tanggalin ang curfew.
Sa ngayon, nasa general community quarantine (GCQ) pa ang Metro Manila kasama na ang Batangas, Tacloban City, Bacolod City, Iligan City, at Iloilo City hanggang sa katapusan ng Oktubre.