Duterte:Gumawa ng module na bastos arestuhin

Ayon pa kay Roque, masyadong mabait si Education Secretary Leonor Briones na sinabi lang na ginamit ang module ng isang private school.
Philstar.com, file/Facebook.com/leonor.magtolisbriones

MANILA, Philippines — Nais umano ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na ipahuli at panagutin ang mga gumawa ng modules na may laman ng mga kabastusan.

Ito ang sinabi ni Senator Bong Go,at maging siya mismo ay hindi palalampasin ang mga gumawa nito dahil hindi dapat ginagawang katawa-tawa o bastos ang laman ng mga materyales na dapat gamitin para matuto ang mga bata.

Iginiit din ng Senador na chairman ng Senate Committee on Health na hirap na ang mga estudyante na maipagpatuloy ang pag-aaral ngayon tapos ay hahaluan pa ng kalokohan ang mga ituturo sa kanila.

Inihayag ni Go na dapat ma-meet ang kalidad ng standard ng blended learning ang learning materials na ibinibigay na modules sa mga mag-aaral.

Ipinagtanggol din ng Malacañang ang Department of Education (DepEd) sa nasabing kopya ng learning module na may double meaning ang pangalan ng mga tao na naging viral sa social media.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang Simbahang Katoliko ang dapat sumagot sa isyu dahil ang learning module ay mula sa isang Catholic school.

“Katolikong eskuwelahan po iyan, gagamitin sa buong archdiocese na pinapatakbo ng Katolikong Simbahan, siguro po ang dapat sumagot diyan iyong liderato ng Simbahang Katolika bakit sila nagbibigay ng module na ganiyang mayroong mga bastos,” ani Roque.

Ayon pa kay Roque, masyadong mabait si Education Secretary Leonor Briones na sinabi lang na ginamit ang module ng isang private school.

Sa kumalat na kopya ng module, nakasulat ang tanong na:Who among the following students may have already developed a broader philosophical perspective? Ang mga pagpipiliang pangalan na sina Pining Garcia, Abdul Salsalani, Malou Wang, at Tina Moran.

Tukoy na ni Briones ang mga nasa likod ng mga malisyosong pangalan ng nasabing module at batid na rin nila ang background ng taong sumulat at ang inisyal nitong pahayag sa isyu.

Maging ang organi­sasyong kinabibilangan ng sumulat ng module ay batid na rin umano nila.

Inaalam na rin ng DepEd kung ginagamit din ang materyal sa ibang eskuwelahang kasapi ng grupo. - Malou Escudero, Mer Layson

Show comments