MANILA, Philippines — Kinasuhan kahapon sa National Bureau of Investigation (NBI) ni Julia Barretto ang dating brodkaster na si Jay Sonza ukol sa post nito sa Facebook na sinasabing nabuntis siya ng aktor na si Gerald Anderson.
Kasama ang kaniyang ina na si Marjorie Barretto, nagtungo si Julia sa NBI Cybercrime Division at hiniling na imbestigahan ang akusasyon ni Sonza na tinawag niyang hindi totoo at iresponsable.
“I am pursuing this case because the statements made by Mr. Sonza are untrue and irresponsible. The widespread reposting of the news based on his post caused distress to me and my family. I don’t want to take this matter lightly. Mr. Sonza, and all those who publish these reckless and baseless posts, must be held accountable for their actions so that they think twice before claiming things as fact,” pahayag ni Julia.
Sinabi pa niya na dapat malaman ng publiko ngayon na ang mga malisyosong post laban sa kaniya ay hindi na niya pinalalagpas ngayon matapos ang napakaraming pinagdaanan na mga kontrobersya at paninira sa kaniyang pangalan.
Nais din umano niyang turuan ng leksyon hindi lang si Sonza ngunit ang iba pa na nagkakalat ng mga kasinungalingan.
Nitong nakaraang Lunes, nag-post si Sonza ukol sa nakarating sa kaniyang balita na buntis umano si Julia.
“Napatunayan nina Visoy (Visayan Tisoy) Gerald Anderson at anak nina Dennis Padilla at Marjorie Barretto na si Julia Barretto na kapwa hindi sila bago. After months of love lockdown and ESQ (exact sex quadrant) - may nabuo sa sinapupunan ni Julia,” laman ng post ni Sonza.
Nitong Miyerkules, muling nag-post si Sonza na tila humihingi ng dispensa sa kaniyang post at binigyang katwiran ito. Binabawi niya ang kaniyang pagbati na umano’y napaaga lamang at “happy at excited” daw siya kapag may nabibiyayaan ng buhay.