MANILA, Philippines — Iminungkahi ni Pampanga 2nd District Rep. Juan Miguel “Mikey”Arroyo sa Commission on Elections (Comelec) na ikunsiderang ipagpaliban muna ang 2022 national elections sa bansa dahil sa maraming botante ang takot na bumoto dulot ng COVID 19 pandemic.
Sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations sa P14.56 bilyong 2021 national budget ng Comelec, sinabi ni Arroyo na malamang magtagal pa ang pandemya at maaaring maapektuhan nito ang pambansang halalan kaya makabubuting ngayon pa lamang ay ikonsidera nang ipagpaliban ito.
Iginiit ni Arroyo na tiyak na magkakaroon ng kontaminasyon ng COVID-19 sa araw na isasagawa ang eleksyon.
Ayon pa sa mambabatas kahit anong gawing paghahanda ng Comelec ay tiyak na marami ang hindi magpaparehistro sa halalan at marami ang hindi boboto sa mismong araw ng eleksyon dahil sa takot na magkasakit ng COVID-19.
Sinabi naman ni Comelec Chairman Sheriff Abas na ‘constitutional mandate’ ang pagdaraos ng eleksyon at kung ipagpapaliban ito ay desisyon na ito ng Kongreso at ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Idinagdag pa ni Abas na ngayon pa lamang ay naghahanda na ang Comelec kung saan ang magandang naging karanasan at aral na natutunan ng gobyerno ng South Korea at ng Estados Unidos sa panahon ng ligtas na halalan ay maaaring tularan ng bansa.
Sinabi naman ni Comelec Executive Director Bartolome Sinocruz na pinag-aaralan na ng Comelec na pahintulutan ang online filing ng Certificate of Candidacy (COC) na itinakda sa Oktubre 2021 na hindi naman ipinagbabawal sa batas at maaaring sa koneksyon lamang sa internet magkaproblema.
Idinagdag pa ni Sinocruz na maaaring idaos ang eleksyon na isa hanggang dalawang araw upang hindi magsiksikan ang mga botante sa mga polling precincts at pahabain rin ang oras ng pagboto.