MANILA, Philippines — Haharap si Marine Joseph Scott Pemberton, na na-convict at na-deport dahil sa pagpatay kay Jennifer Laude, sa court martial proceedings sa US sa kaniyang pag-uwi.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na nakausap nila ang ilang otoridad sa Amerika kasama na ang kinatawan ng Marine Corps kung saan kabilang si Pemberton at inihayag na mayroon pa ring dapat sagutin ang killer ni Laude sa sandaling matapos ang kaso nito sa Pilipinas.
Haharap pa rin aniya si Pemberton sa court martial proceedings sa Amerika para matukoy kung mayroon pang karagdagang parusang ipapataw sa kanya.
Kasama na rito ang pagtukoy kung dapat pa bang manatili ito sa serbisyo o tuluyang sibakin sa serbisyo dahil sa nagawang mabigat na kasalanan sa Pilipinas.
Si Pemberton ay nakabalik na sa Amerika nitong Linggo matapos bigyan ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa kasong homicide dahil sa pagpatay sa transgender na si Laude noong October 11, 2014.