Physical distancing sa public transport binawasan

Ayon kay Transportation Undersecretary Artemio Tuazon Jr.,na ang kanilang desisyon na bawasan ang physical distancing ay kanilang naikonsulta sa mga health experts.
STAR/Michael Varcas, file

MANILA, Philippines — Inaasahan na ang pagdami ng mga pasahero sa mga tren sa bansa at maging ang public utility vehicles (PUVs) matapos ang naging desisyon ng Department of Transportation (DOTr) na bawasan ang physical distancing sa loob ng public transport vehicles.

Mula sa dating isang metrong pagitan ng mga pasahero ay ginawa na lamang itong 0.75 metrong distansiya.

Ayon kay Transportation Undersecretary Artemio Tuazon Jr.,na ang kanilang desisyon na bawasan ang physical distancing ay kanilang naikonsulta sa mga  health experts.

Nauna rito ay inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang panukala ng DOTr at Economic Development Cluster (EDC) na itaas ang rider capa­city ng mga pampublikong transportasyon sa pamamagitan ng pagbaba ng sukat ng distansya sa pagitan ng mga pasahero.

Inihayag ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na simula ngayong araw ay tataas na ang kanilang train capacity at aabot na sa 204 pasahero ang magi­ging bagong kapasidad ng bawat train set, kung saan ay may 68 na pasahero kada bagon, na mas mataas sa dating 153 na pasahero kada train set, na mayroong 51 na pasahero kada bagon.

Paalala pa ng MRT-3, hindi nila pasasakayin ng tren ang mga commuters na walang suot na full face shield at face mask at hindi pa rin pinapayagan ang pagsasalita sa loob ng mga tren at pagsagot ng tawag sa anumang digital device.

Handa rin ang mga tren ng Light Rail Transit Line 2 na bawasan ang physical distancing at nailatag na ang mga bagong square markings na magdadagdag ng 160 hanggang 212 pang mga pasahero.

Sakop din ng kautusan ng DOTr ang iba pang railway lines sa bansa at ang mga public utility vehicles (PUVs).

Show comments