Cardinal Tagle nagpositibo sa covid-19
MANILA, Philippines — Hindi na rin nakaiwas sa bagsik ng coronavirus disease (COVID-19) ang mga alagad ng simbahan matapos na magpositibo sa nasabing sakit si dating Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle na ngayon ay isa nang Cardinal Bishop sa Vatican City.
Lumabas na positibo sa COVID-19 si Tagle matapos siyang kunan ng swab test pagdating nito sa Pilipinas noong Biyernes mula sa Italya pero hindi nakitaan ng anumang sintomas.
“Cardinal Tagle actually tested positive for COVID-19 with a pharyngeal swab carried out yesterday on his arrival in Manila,” pagkumpirma ni Matteo Bruni, director ng Holy See Press Office kahapon.
Matatandaang si Tagle, na dating arsobispo ng Maynila, ay nakabase na ngayon sa Vatican City matapos na maitalaga bilang “Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples” ni Pope Francis. Bago ang pag-uwi niya sa Pilipinas, sumailalim na rin siya sa COVID-19 test sa Roma noong Lunes pero negatibo ang resulta.
Si Tagle, na siya ring pangulo ng Caritas International, ang itinuturing na unang mataas na opisyal sa Vatican na nagpositibo sa COVID-19.
Bukod kay Tagle, nauna nang nagpositibo sa COVID-19 ang tatlo pang obispo sa bansa na sina Caloocan Bishop-Emeritus Deogracias Iñiquez, Manila Apostolic Administrator Broderick Pabillo at Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na pumanaw noong Agosto 26.
- Latest