Metro Manila mayors pabor sa pagpapasara ng sementeryo sa Undas
MANILA, Philippines — Iisa ang naging desisyon ng Metro Manila mayors sa pagpapasara ng mga sementeryo sa darating na Undas ngayong may pandemyang kinakaharap ang bansa.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Jojo Garcia, sang-ayon ang 17 mayor ng capital region sa pansamantalang pagpapasara ng mga sementeryo.
“Base sa group chat namin, majority talaga. It will be unanimous, I think ano. 17-0 ‘yan, if ever,” ani Garcia sa isang panayam.
Makikipagpulong din aniya siya sa mga lokal na ehekutibo upang magtakda ng mga polisiya sa naturang pagpapasara.
Una nang naglabas ng kautusan sa Lungsod ng Maynila si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na pansamantalang isasara ang mga sementeryo pribado man o pampubliko sa ika-31 ng Oktubre hanggang ikatlo ng Nobyembre upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.
Nauna ring sinabi ni National Task Force (NTF) COVID-19 spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla na posibleng magsara ang mga sementeryo sa buong bansa.
Suportado na naman ng Simbahang Katolika ang pagsasara ng mga sementeryo sa Undas at tiniyak na susunod sa mga panuntunan na ipatutupad ng pamahalaan.
Hinimok naman ni Archbishop Jumoad ang mamamayan na dumalaw sa puntod ng mga mahal sa buhay sa ibang mga araw bilang pag-iingat at pangangalaga sa kalusugan.
- Latest